Derek, Sharon, Aga, pababalikin ni Charo Santos sa ABS-CBN; paano naman si Willie?

aga muhlach
SA nalalapit na pagreretiro ni ABS-CBN President Charo Santos-Concio, isa kaya talaga sa mga plano niya ay ang pabalikin ang lahat ng malalaking artistang umalis sa Kapamilya network?

Nalaman kasi namin na siya pala ang dahilan kung bakit nakabalik si Derek Ramsay sa bakuran ng Star Cinema, kasalukuyang nagsu-shooting ang aktor ngayon para sa pelikulang “Crocodile Hunting” mula sa Cinebro Films (under Star Cinema) sa direksiyon ni Toto Natividad.

Bagama’t contract star ng TV5 si Derek dahil muli siyang nag-renew ng kontrata kamakailan sa istasyon ay puwede naman siyang gumawa ng pelikula sa Star Cinema.

Matatandaang hindi naging maganda ang imahe ng aktor nang lumipat siya sa TV5, pero mukhang okay na nga siya uli sa ABS-CBN.

Base sa official statement ni Derek, “I am very happy to have the opportunity to work again with ABS-CBN through Star Cinema. I am always consistent in saying that the network played a big part in making who I am today as an actor.

“I know that with the renewed relationship with my manager, and me not only good things but also bigger and better things will come. “Salamat kay Sir Gabby (Lopez), Ma’am Charo (Santos-Concio), Ma’am Malou (Santos) and Tita Cory (Vidanes), and the whole Channel 2 family, for opening their doors to us again.

God bless their good hearts. I am grateful, salamat talaga!” sabi pa ni Derek. Speaking of Cinebro Films, pinamamahalaan pala ito mismo nina Ma’am Charo, Ma’am Malou Santos at direk Toto.

Samantala, ang balita namin, ang susunod na pababalikin ni ma’am Charo ay walang iba kundi si Megastar Sharon Cuneta.
Yes bossing Ervin, noong nakaraang taon pa natsika sa amin ito ng aming source, nakalimutan lang naming isulat. Ha-hahaha!

Anyway, ang kuwento ng aming source, dumalaw daw ang ABS-CBN executives sa burol ni Mommy Elaine Cuneta at dito nagkaroon ng masinsinang pag-uusap sina Sharon at si Ms. Charo.

Nangako ang ABS president kay Mega na anytime ay puwede na siyang bumalik sa kundisyong magbawas siya ng timbang para naman bongga ang comeback niya sa telebisyon.

At habang nagpapapayat si Sharon ay pinaplantsa na rin ang magiging project ni Mega, kabilang na ang isang musical variety show at bagong album.

Going back to Ma’am Charo, gusto niya marahil bago siya magretiro ay may maalala ng buong bayan na siya ang dahilan kung bakit nakabalik ang mga big stars na nawala sa bakuran ng ABS-CBN.

“Lahat ng malalaking artista ng ABS-CBN na lumipat sa ibang network ay bumabalik na, siguro gusto ni ma’am Charo bago siya mag-retire, balik-ABS-CBN na lahat para mas malakas ang impact ng pag-alis niya,” say ng aming source.

Ang latest na nasagap namin, posibleng bumalik na rin si Aga Muhlach sa Dos, nagpapapayat lang daw ito para sa reunion project nila ni Lea Salonga.

E, si Willie Revillame kaya, posible pang makabalik?

Read more...