SA halip na magngitngit ang mga kaanak ng napaslang na miyembro ng Special Action Force (SAF) sa pakikialam ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), ang napagbalingan nila ay si Pangulong Aquino.
Mayroong peace agreement sa pagitan ng gobyerno at MILF kaya masama ang kanilang loob nang sumama ito sa bakbakan at “tumulong” sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF).
Ang BIFF ay grupo na umalis sa MILF nang lumaki ang posibilidad na magtutuluy-tuloy na nga ang peace agreement.
Kung pinalagpas ng publiko ang hindi pagpunta ni Aquino sa burol ng pinaslang na transgender na si Jennifer Laude, hindi ganito ang naging reaksyon sa hindi niya pagsalubong sa mga napaslang na miyembro ng SAF.
Kahit na pumunta siya sa burol, hindi nito naalis ang pagkadismaya ng marami sa hindi niya pagpunta sa Villamor Airbase para sa pagdating ng mga patay.
Natuon ang atensyon ng publiko sa hindi pagsalubong ni PNoy at nabalewala ang kanyang pagpunta sa burol ng mga ito.
Noong namatay ang ama ni Aquino na si Sen. Benigno Aquino Jr. at kanyang ina na si dating Pangulong Cory Aquino, maraming tao na hindi kakilala ng kanilang pa-milya ang pumunta at nakiramay.
Libu-libong tao ang nakipaglibing at sumama sa paghahatid sa kanila sa huling hantungan. Hindi kinailangan na sila ay maging kamag-anak para makiramay.
At matapos na maili-bing ang SAF44, nagtuturuan naman kung sino ang dapat na sisihin sa nangyari.
Umpisa pa lamang ay lumabas na pinagmukhang tanga sina PNP acting chief Leonardo Espina at Interior Sec. Mar Roxas.
Itinago sa kanila ang planong pagpunta sa Mamasapano para hulihin o patayin si Marwan.
Masasabi na malinis ang kanilang kamay sa insidente at nagmukha silang kawawa sa paningin ng publiko.
At siyempre asahan na rin na ililigtas ng mga napagbibintangan ang kanilang mga sarili.
Ang nakalulungkot sa dami ng mga imbestigasyon ay baka wala namang puntahan ang mga ito. Baka sa huli ay hayaan na lamang na makalimutan at matabunan ng alikabok.
Magiging bahagi na lamang ng kasaysayan, na mayroong mga namatay na pulis sa pagganap sa kanilang tungkulin.
At ang collateral damage ay ang isinusulong na Usapang Pangkapayapaan. Hindi naman lahat ng Muslim ay nasa likod ng MILF pero silang lahat ay maaapektuhan ng nangyari.
Kung dati ay maraming kumukuwestyon sa constitutionality ng Bangsamoro Basic Law, ngayon ang usapan ay kung may sapat pa itong suporta para maisabatas.
Sa Kamara ay wala pang pormal na umaatras sa pagsuporta sa BBL hindi katulad sa Senado.
Hindi naman talaga nila kailangan na pormal pang bawiin ang kanilang pagsuporta, ang simpleng hindi pagdalo sa sesyon kapag pagbobotohan na ito ay isang kabawasan sa suporta ng BBL.
Bukod sa pagkalagas ng suporta, hindi na rin pabor sa administrasyon ang nalalabing oras nito.
Sa Oktubre ay maghahain na ng Certificate of Candidacy ang mga tatakbo sa 2016 polls. Siyempre mas maaga rito ang pag-uumpisa ng mga kakandidato kaya magiging abala na sila at dedma na sa BBL.
Kung merong natutuwa sa nangyayaring ito, malamang ay ang mga pulitiko na maaagawan ng teritoryo kapag natuloy ang BBL.