MAGING four-stroke o two-stroke man ang iyong motorsiklo, hindi magandang senyales ang labis na usok kaya hindi ito dapat na pabayaan at ipagwalang-bahala.
May mga pagkakataon na pinapabayaan lamang ito dahil normal lang naman na may usok ang sasakyan. Ang usok ay indikasyon na hindi tumatakbo ng tama ang makina.
Kadalasan kasi na ang usok ay sanhi ng pagkabigo ng makina na sunugin ang lahat ng gasolina na pumasok sa kanya.
Isa rin ang sobra-sobrang naihalong langis sa gasolina o hindi tamang proportion.
Hindi man nakakasakit ang usok maaari naman itong magresulta sa tuluyang pagkasira ng makina ng motosiklo. Ang maagap na pagpapasuri sa motorsiklo ay paraan din para hindi na lumaki pa ang gastos.
May mga mekaniko rin na agad na nalalaman ang problema kapag nakita ang kulay ng usok. Kadalasan ang maputing usok ay coolant o water-related issue at ang mainitim namang usok ay indikasyon ng problema sa gasolina o langis.
Sa mga two-stroke kalimitan na iniisip ng may-ari na walang problema ang kanyang makina at isinisisi ang usok sa additive at langis na inihahalo sa gasolina. Pero hindi palaging ganito ang sitwasyon.
Maaaring sira na o may tagas na ang crank seals at kailangan ng palitan. Ang cylinder ay posibleng kailangan ding ma-rebore o kaya ang oil pump ay kailangan ng i-adjust.
Sa mga four-stroke, maaaring ang vales ay nangangailangan na ng mga bagong seal. Dapat ding tignan kung kailangan ng palitan ang piston ring o kailangan ng rebore ng cylinder.
Huwag ding kakalimutan na tignan ang spark plug dahil maaaring ito ang sanhi kung bakit hindi nasusunog ng mabuti ang gasolina at langis.
MAY katanungan ka ba tungkol sa iyong motor? I-text sa 0917-8446769 o i-email sa pinoysportsfanatics@gmail.com