Ronda Pilipinas 2015 aarangkada sa Negros

PANGUNGUNAHAN ni 2013 champion Irish Valenzuela ang mga siklistang kakarera sa pagsisimula ngayon ng Ronda Pilipinas 2015 Visayas qualifier.

Ito ang una sa tatlong yugtong karera na handog ng LBC at magsisimula ito sa Negros Oriental Provincial Capitol at magtatapos sa Sipalay sa Negros Occidental para sa 172.7-kilometrong  bakbakan.

Hahamunin si Valenzuela ng iba pang batikang siklista tulad nina Cris Joven at Alvin Benosa ng Army, dating Southeast Asian Games gold medalist  Alfie Catalan, 7-Eleven riders na sina  Baler Ravina at Ronnel Hualda at ang mga magkakapatid na sina Junvie, Jaybop at Jetley Pagnanawon ng Cebu.

Maliban sa dalawang maiksing akyatin, ang kabuuan ng karera ay gagawin sa patag na lugar para matiyak na magiging mabilis ang karera. Ang ikalawang yugto bukas ay isang 157.8-km  Bacolod-Bacolod race at ang ikatlong yugto ay  mula Negros Occidental Provincial Capitol hanggang Cadiz.

Hindi lamang para sa mga Visayan riders ang qualifying races na ito dahil puwede ring lumahok ang mga taga-Mindanao matapos makansela ang dapat sana ay dalawang yugtong karera sa Mindanao dahil sa problema sa seguridad.

May 50 elite at apat na junior riders ang kukunin sa qualifying na ito at dapat ay maabot nila ng qualifying time para makasali sa Championship Round.

Ang karerang ito ay may basbas ng PhilCycling at suportado  ng MVP Sports Foundation, Petron at Mitsubishi.

Read more...