P-Noy napikon na…kakasuhan daw ng libel si Jomari

jomari yllana
May umiikot na kuwento na kakasuhan ng kampo ni P-Noy si Jomari Yllana dahil sa napakadiretso niyang pagsasabi sa kanyang Facebook account na pinakatanga itong pangulo sa kasaysayan ng Pilipinas.

Puwedeng tsismis lang ‘yun, puwede rin naman seryosohan, may mga nagsasabi rin na siguro raw ay ginagawa lang na panakot ‘yun ng kampo ng pangulo para mahinto na ang matinding paghusga sa kanya ng ating mga kababayan.

Mula kasi nang iuwi dito mula sa Maguindanao ang mga bangkay ng SAF-44 ay nawalan na ng katahimikan ang buhay ng pangulo, pati ang kanyang nakababatang kapatid na si Kris Aquino ay talaga namang nilalatigo ng masasakit na salita ng publiko, matindi ang galit sa kanila ng  mga Pilipino dahil sa hindi man lang pagpunta-pagsalubong ni P-Noy sa mga bangkay ng mga pulis na namatay sa gitna ng laban para sa ating bayan.

Nakalulungkot lang kung totoo ang kuwento. Napakatagal na panahong isinigaw ng pamilya Aquino ang pakikipaglaban para sa freedom of speech.

Nu’ng rehimeng Marcos ay ‘yun ang ipinakikipagpatayan ng pamilya na sana’y makamtan ng ating mga kababayan, pero nang mabalik ang demokrasya na sinasabing ang kanilang ina ang naging dahilan, ngayon ay nagiging balat-sibuyas naman sila sa pagtanggap ng mga kritisismo.

Nasaan ang consistency sa ganu’ng aksiyon? Sila lang ba ang may karapatang magsalita at ang taumbayan ay wala?

Read more...