TIYAK na magiging memorable ang 27th Schools, Colleges and Universities Athletic Association (SCUAA) National Olympics sa Tuguegarao, Cagayan dahil sa lubusang suporta ang ibinibigay ng LGU at Provincial Government sa isang linggong kompetisyon.
Nanguna na si Governor Alvaro Antonio na nagtiyak na magiging kaaya-aya ang pagdayo ng mga atleta at opisyales mula sa 16 na rehiyon matapos ang pagpapalabas ng P15 milyong pondo para tustusan ang lahat ng pangangailangan ng mga bisita.
“This is the first time that the Province of Cagayan at Tuguegarao City is hosting the SCUAA and we are putting our best foot forward to ensure that our visitors numbering at least 5000, will have a pleasant and memorable stay,” wika ni Antonio.
Ang SCUAA na pormal na bubuksan ngayong umaga at gagawin hanggang Pebrero 13, ay palaro ng Philippine Association of Schools, Colleges and Universities (PASUC) at ang edisyon ay inorganisa ngayon ng Cagayan State University.
Ang bagong kumpuning Cagayan Sports Complex ang siyang pangunahing palaruan na siyang paggaganapan ng athletics at swimming habang may iba pang malalapit na satellite venues para makumpleto ang pagdaraos ng 14 sports na paglalabanan.
Magsisimula ang opening ceremony ngayong alas-7 ng umaga sa pamamagitan ng parade sa siyudad at magtatapos sa Cagayan Sports Complex.
Si Vice President Jejomar Binay ang siyang inimbitahan para maging panauhing pandangal at siya ay ipakikilala ni Gov. Antonio Ricardo Rotoras ang mangunguna sa pagtataas ng bandila ng PASUC at SCUAA banner habang sina Jenna Cabusas at Dr. Rolando Tugade ang magsasagawa ng Oath of Sportsmanships para sa atleta at technical officials.
Sa hapon ay magsisimula ang aksyon sa ballgames habang ang unang gintong medalya ay paglalabanan sa Dance Sports sa People’s Gymnasium.