BARAKO BULL PIPILITING MAKISOSYO SA LIDERATO

Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
3 p.m. Barako Bull vs Kia
5:15 p.m. San Miguel Beer vs Brgy. Ginebra
Team Standings:  Meralco (3-0); Purefoods Star (3-0); Barako Bull (2-0); Rain or Shine (2-1); Talk ‘N Text (2-1); Globalport (1-2); Kia Carnival (1-2); Alaska Milk (1-1); San Miguel Beer (0-1); Barangay Ginebra (0-2); NLEX
(0-2); Blackwater (0-3)

NAKATUON ang pansin ng Barako Bull sa ikatlong sunod na panalo at pagsosyo sa lideratro sa sagupaan nila ng delikadong Kia Carnival sa 2015 PBA Commissioner’s Cup mamayang alas-3 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Sa ikalawang laro sa ganap na alas-5:15 ng hapon ay sisikapin ng San Miguel Beer at Barangay Ginebra na makapasok na sa win column.

Ang Energy ay nagwagi sa kanilang unang dalawang laro laban sa Blackwater (92-70) at Barangay Ginebra (69-68). Kung mananalo sila mamaya ay makakatabla nila sa itaas ng standings ang Meralco at defending champion Purefoods Star.

Subalit hindi nila puwedeng maliitin ang Kia lalo’t galing ang Carnival sa 88-78 panalo kontra Philippine Cup champion San Miguel Beer noong Miyerkules. Iyon ang unang panalo ng Kia matapos matalo sa unang dalawang laro sa torneo. Sa kabuuan ay napatid ang 12-game losing streak ng Kia mula noong nakaraang conference.

Sa import matchup ay magtutuos ang dalawang higanteng sina 7-foot-1 Solomon Alabi ng Barako Bull at 7-foot-3 Peter John Ramos ng Kia.

Kamakailan ay napasama sa isang three-team trade ang Barako Bull kung saan nakuha nito si Justin Chua buhat sa San Miguel Beer. Ipinamigay nito si Dorian Peña sa Barangay Ginebra at napunta naman sa Beermen si Jay-R Reyes.

Matapos na mapahiya sa Kia Carnival ay inaasahang ibayong tikas ang ipamamalas ng Beermen mamaya.

Subalit mas desperado ang Gin Kings na may 0-2 record. Bago natalo sa Barako Bull, ang Barangay Ginebra ay nabigo sa Meralco, 85-74.

Kinuha ng Gin Kings bilang import ang nagbabalik na si Michael Dunigan na makakatapat ni Roland Roberts Jr.

Makakatuwang ni Dunigan sina Greg Slaughter, Japeth Aguilar, Mark Caguioa, LA Tenorio at Jayjay Helterbrand.
Sasandig naman si San Miguel Beer coach Leo Austria kina June Mar Fajardo, Arwind Santos, Alex Cabagnot, Chris Lutz at Marcio Lassiter.

Samantala, naungusan ng Alaska Milk Aces ang NLEX Road Warriors, 96-95, sa kanilang PBA game kahapon sa The Arena, San Juan City.

Si DJ Covington, na napiling bilang Best Player of the Game, ay nagtala ng 24 puntos at pitong rebounds para pangunahan ang Aces na umangat sa 1-1 kartada.

Read more...