NITONG nakaraang Biyernes, muling nagsalita sa national television si Pangulong Aquino kaugnay pa rin ng madugong operasyon sa Mamasapano, Maguindanao kung saan ipinasa na naman niya ang sisi sa sinibak na commander ng Special Action Force (SAF) na si Police Director Getulio Napeñas.
Halatang scripted ang naging speech ni Aquino kung saan kinumpirma rin niya na tinanggap na niya ang pagbibitiw ni suspended PNP chief Alan Purisima.
Sa kabila ng isinasagawang imbestigasyon ng binuong Board of Inquiry ng PNP at ang nakatakdang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng pagpatay sa 44 mga miyembro ng SAF, inunahan na ni Aquino ang magiging resulta ng mga paglilitis matapos ngang ibunton ang lahat ng sisi at responsibilidad kay Napeñas.
Kaliwa’t-kanan kasi ang mga banat ngayon kay PNoy at may pinapalutang pa ang kanyang kaalyado na si Sen. Trillanes na pagkilos para siya patalsikin.
Sa kanyang naging talumpati, biglang hirit ni Aquino na dapat ay hindi na itinuloy ni Napeñas ang operasyon bagamat hindi naman niya itinanggi na alam nga niya ang plano na hulihin ang mga teroristang sina Marwan at Usman.
Bilang commander-in-chief, porke’t naiipit ka na sa sitwasyon, kailangan mo bang ilaglag ang isang opisyal para makaligtas ka lang sa anumang pananagutan?
Ang siste pa nito, nilinis pa ni Aquino si Purisima sa anumang pananagutan.
Hindi ba namang halatang scripted ang pahayag ni PNoy, pagkatapos na pagkatapos ng kanyang pahayag, naghihintay na si Purisima para naman ibigay ang kanyang panig.
Siyempre, ang narinig lang ng madla ay ang pagtanggi na may kautusan siya kay Napeñas na ilihim ang naturang operasyon.
Ang nakakaloka kasi rito, sinasabi ni PNoy na lehitimong operasyon ito pero dahil nga namatay ang 44 SAF, ibinunton niya ang lahat ng pananagutan kay Napeñas.
Umaasa siguro ang administrasyon na mapupunta ang lahat ng pananagutan kay Napeñas at huhupa na rin ang mga batikos laban sa kay PNoy.
Paano nga naman, ilang mga obispo na ang nananawagan ng pagbibitiw ni PNoy.
Sa ginagawang imbestigasyon ng Board of Inquiry at ang nakatakdang imbestigasyon ng Senado, umaasa na lang tayo na magiging patas at hindi maiimpluwensiyahan ng mga pahayag ni PNoy ang magiging resulta ng sinasabing mga inquiry.
Naghihintay din ang pamilya ng mga namatayan ng hustisya para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Sa pagkakasibak ni PNoy kay Purisima, halata rin na pinagbigyan ang nag-aalburutong si DILG Secretary Mar Roxas na nauna nang nanawagan na tuluyan nang tanggalin ang suspendidong PNP chief.
Usap-usapan nga sa Malacañang na inunahan na ng kampo ni Roxas ang naging pahayag ni PNoy matapos kumalat noons Huwebes na tinanggap na nga ng pangulo ang resignation ni Purisima.
Makikita pa rin natin na dalawa pa rin ang grupo sa Malacañang at isa na nga rito ang Liberal Party (LP) ni Roxas. Hindi naman nagtagumpay si Roxas na pati ulo ni Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr. ay hingin kay PNoy.
Nakakalabas talaga ang laro nga naman sa loob ng Palasyo.