CLEVELAND — Umiskor si LeBron James ng 23 puntos habang si Kevin Love ay gumawa ng 24 puntos para palawigin ang winning streak ng Cleveland Cavaliers sa 12 laro kahapon matapos itala ang 105-94 panalo laban sa Los Angeles Clippers.
Matapos itayo ng Cavs ang 32-puntos na kalamangan sa ikatlong yugto tuluyan nitong ipinahinga sina James at Love sa ikaapat na yugto. Sa pagtala ng pinakamahabang winning streak magmula nang isagawa ang franchise-best 13-games noong 2010, ang Cavs ay umangat sa unang puwesto sa Central Division. Ang Cleveland ay naghahabol ng pitong laro sa Chicago Bulls nang simulan ang winning streak sa pamamagitan ng panalo laban sa Los Angeles Lakers noong Enero 15.
Ang Clippers ay napituhan ng limang technical fouls, kabilang ang apat sa ikatlong yugto kung saan napatalsik sa laro si Matt Barnes.
Si Blake Griffin ay kumana ng 16 puntos para sa Clippers, na ang mga reserbang manlalaro ay nagawang maibaba ang tambakang iskor sa huling yugto.
Hornets 94, Wizards 87
Sa Charlotte, kumamada si Gerald Henderson ng 27 puntos para tulungan ang Charlotte Bobcats na talunin ang Washington Wizards sa ikalawang pagkakataon sa loob ng isang linggo.
Si Henderson ay tumira ng 10 of 15 mula sa field para sa Hornets na tinalo ang Wizards sa ikalimang sunod na pagkakataon. Tinalo rin ng Charlotte ang Washington noong Martes, 92-88.
Nalasap naman ng Wizards ang ikalimang diretsong pagkatalo.
Si Brian Roberts ay gumawa ng 12 puntos at nagbigay ningas sa ratsada sa ikatlong yugto ng Charlotte na napag-iwanan ng 11 puntos. Sina Lance Stephenson, Michael Kidd-Gilchrist at Jason Maxiell ay nag-ambag ng tig-11 puntos para sa Hornets.
Si Paul Pierce ay umiskor ng 19 puntos para sa Wizards habang si John Wall ay nagtala ng 15 puntos at 13 assists.
Pumatok ang depensa Charlotte sa ikaapat na yugto at nagawa nilang malimitahan ang Wizards sa 5-of-19 shooting.
Si Wizards guard Bradley Beal, na nakagawa lamang ng isang puntos sa 11 minuto, ay inilabas sa first half bunga ng right big toe injury at hindi na siya nakabalik sa laro.
Mavericks 101, Kings 78
Sa Sacramento, gumawa si Monta Ellis ng 21 puntos at anim na assists para pamunuan ang Dallas Mavericks sa panalo laban sa naghihikahos na Sacramento Kings.
Ang Mavericks, na hindi nakasama sina Nowitzki at Rajon Rondo, ay pinangunahan ni Tyson Chandler na nagtala ng 16 puntos at 16 rebounds habang sina Devin Harris at J.J. Barea ay nagdagdag ng tig-15 puntos. Si Richard Jefferson ay nag-ambag ng 14 puntos para sa Dallas.