NU Bulldogs bibigyan ng PSA President’s Award

WALANG duda na ang National University Bulldogs ay nakapag-ukit ng isa sa mga hindi makakalimutang local sports story sa taong 2014.

Matapos ang 60 taong paghihintay, muling tinanghal na kampeon ang NU Bulldogs nang masungkit ang korona ng  UAAP Season 77 men’s basketball nang daigin nila ang Far Eastern University Tamaraws.

Sa nakalipas na anim na dekada, ang NU ay kinailangang malampasan ang pagiging kulelat nito matapos itong maghari noong 1954 nang makubra ang kauna-unahang kampeonato sa liga.

Subalit bunga ng masinsinang build-up na isinagawa ng paaralan simula nang mapasailalim na pagmamay-ari ng SM Group of Companies, ang Bulldogs, sa pamumuno ni head coach Eric Altamirano, ay dahan-dahang bumangon tungo sa pag-angat bilang kampeon ngayon.

Bunga ng makasaysayang pagwawagi nito sa UAAP, ang Bulldogs ay pagkakalooban ng Philippine Sportswriters Association (PSA) ng President’s Award sa gaganaping Annual Awards Night na handog ng MILO at San Miguel Beer sa Pebrero 16 sa 1Esplanade sa SM Mall of Asia Complex.

Maliban sa Bulldogs, ang ilan sa mga personalidad na binigyan ng President’s Award ng PSA ay ang Ateneo Blue Eagles, Philippine women’s bowling trio, dating world billiard champions Rubilen Amit, Dennis Orcullo at Lee Van Corteza at taekwondo jin Mikaela Calamba.

Read more...