‘Cory-Ninoy Magic’ wala nang epek; P-Noy, Kris puro na lang kapalpakan

noynoy aquino
Ngayon lang nakatikim ng ganito katitinding upak si Kris Aquino na ang palaging iniisip ay walang kahit sinong makakokontra sa kanya. Siya na rin ang nagsabi sa isang paboritong litanyang maririnig sa radyo, “They hit me, kasi, si Kris Aquino ako!”

Mismo! Ayan na nga! Ilang linggo na siyang pinatitikim ng apdo at siling-labuyo ng ating mga kababayan dahil sa kapalpakan ng kanyang kapatid na pangulo na ipinagkakanlong pa niya.

Hindi naman inaasahan ng buong bayan na idiin pa niya si P-Noy sa nasilip na matinding kakapusan nito ng sinseridad at pakikiramay sa mga namatay na miyembro ng SAF, pero hindi rin inaasahan ng ating mga kababayan ang pagpapairal niya ng pamemersonal, tama bang i-unfollow niya ang mga personalidad na hindi sumasang-ayon sa kawalan ng pakialam ng kanyang kapatid sa mga nalipol na SAF-44?

Ano ngayon ang napala niya? Nang mapatunayan niya na mas nakahihigit ang kumakampi kay Judy Ann Santos kesa sa bilang ng mga alipores niya, wala siyang choice kundi ang makipag-ayos sa aktres na nanindigan lang naman tungkol sa nararamdaman nito, napahiya si Kris dahil ang ilusyon niya na walang puwedeng kumontra sa kanyang mga kapritso ay hindi pala totoo!

Marami palang personalidad na puwedeng makipagsuwagan sa kanya sa ngalan ng prinsipyo, puwede pala siyang kuyugin ng ating mga kababayan, hindi tulad nu’n na palagi na lang niyang nalulusutan ang mga pagmamarakulyo niya.

Wala na, tapos na ang Ninoy-Cory card nilang magkapatid, hindi na sila kayang isalba ng pagiging anak nila ng kanilang mga magulang. Sorry na lang sa kanila kung ayaw nilang mag-sorry sa publikong hanggang ngayon ay galit na galit pa rin sa kanila.

Read more...