PASADO para kay Australian UCI commissaire Peter Tomlinson ang idinaos na 2015 Le Tour de Filipinas na handog ng Air21 at may basbas ng international federation UCI na inorganisa ng Ube Media Inc.
Ito ang unang pagkakataon na nagpunta sa Pilipinas si Tomlinson at aminado siya na mataas ang pagtingin niya sa karera dahil dinadayo ito ng mga bigating dayuhang siklista.
Pero sa simula ay medyo nadismaya siya sa unang araw ng karera sa Balanga, Bataan dahil hindi maganda ang management sa traffic.
“But with good communication and coordination, we improved that. At the beginning it was probably poor but in the end it became above average. Overall it met my expectations and it was above average,” wika ni Tomlinson.
Umabot sa 15 koponan ang sumali at dalawa rito ay mga koponan mula sa Pilipinas pero minalas si Mark Galedo ng 7-Eleven Roadbike Philippines na naisuko ang dating titulo sa French rider ng Bridgestone Anchor Cycling team ng Japan na si Thomas Lebas.
Nakakawala si Lebas kasama ang dalawang Iranian riders sa peloton at tumapos sa ikatlong puwesto sa Stage Four na Lingayen, Pangasinan hanggang Baguio Convention Center upang ang isang segundong lamang ni Galedo ay naging isang minuto at 57 segundo layong panalo ni Lebas.
Saludo si Tomlinson sa nakitang kompetisyon lalo na sa mga Filipino riders na nakasabay sa mga mahuhusay na dayuhang katunggali.
“We had a good race, very good riders and very competitive race. The level is much the same standard as well as to the other races in Asia,” dagdag nito.
Ang apat na araw ng karera sa bisikleta ay nangyari dahil na rin sa suporta ng MVP Sports Foundation bukod sa Smart at may ayuda pa ng Victory Liner, San Mig Zero, Novo Nordisk Pharmaceutical Phils. at Canon bukod sa Isuzu, MAN Truck and Bus, Viking Rent-A-Car at NLEX.