YouTube star na may cancer gusto nang mamatay, pamilya di pumayag

jamich
MARAMI ang nalungkot at napaiyak sa kundisyon ngayon ng YouTube sensation na si Jam Sebastian, ang isa sa sumikat na Jamich duo. May dalawang taon na kasi siyang nakikipaglaban sa cancer.

Gusto na niyang tapusin ang kanyang paghihirap sa pamamagitan ng “mercy killing”.  Si Jam ay engaged na sa kanyang Jamich partner na si Paolinne Michelle Liggayu. Sumikat ang dalawa sa YouTube ilang taon na rin ang nakararaan.

Sa isang TV interview, inihayag ng kapatid ni Jam na si Yexel Sebastian na kinausap na sila ng binata tungkol sa plano niyang mercy killing.

“Nagkaroon siya ng ganoong text sa amin na sabi niya i-consider ‘yung mercy killing kasi nahihirapan na daw talaga siya. Mayroon palang ganitong klase ng buhay na hindi mo alam kung anong dasal ang idadasal mo sa panahong ito,” sabi ni Yexel.

Ayon naman sa ina nilang si Maricar, “Nabasa ko ‘yon talagang umiyak ako. ‘Anak, lahat ng gusto mo, lahat ng hihilingin mo ibibigay ko pero this time hindi, hindi ko ibibigay. Hindi tayo susuko.’

“Lagi niyang sinasabi na ‘Ma, pagod na pagod na ako, gusto ko nang magpahinga.’ As a mother, alam ko pagod na siya pero sabi ko ‘Anak, huwag tayong susuko laban lang tayo.

Ang Diyos ay hindi napapagod ng pagbigay sa iyo ng buhay kaya huwag kang mapapagod anak.’ “Anak, alam ko pagod ka na sobra na ang pagod mo. Sabi mo ayaw mo na pero bilang ina, ang hiling mo hindi ko kayang ibigay sa iyo.

Kasi kahit nahihirapan ka, mas nahihirapan ako pero hindi ako tumitigil magdasal na sana ay gumaling ka. Sana magkaroon ng miracle kasi naniniwala ako sa milagro eh.

“‘Yun ang lagi kong idinarasal na sana ay magkaroon ng miracle na gumaling ang anak ko. Huwag na huwag kang susuko, anak, dahil mahal na mahal ka namin.

Nandito kami ng kuya mo at hindi ka namin pababayaan,” mahabang pahayag ni Gng. Maricar. Bukod dito, tumanggi na rin si Jam na ipagpatuloy pa ang kanyang chemotherapy, “Supposed to be two weeks ago pa ‘yung another chemo.

Sabi niya, gusto niyang magpalakas muna bago siya magpa-treat. So until now, magte-10 days na kami doon, walang treatment na ginagawa sa kanya. Ayaw niya talaga kahit vital signs, BP (blood pressure) ayaw niya,” sabi pa ng nanay ng binata.

Sa mga nabasa naming mensahe ng mga netizen sa pinagdaraanan ngayon ng pamilya ni Jam, talagang ramdam mo ang kanilang pakikisimpatya, mahirap nga naman para sa isang ina ang hinihiling ngayon ng kanyang anak.

Kahit naman sino sa atin, handang gawin ang lahat mabuhay lang ang mahal natin sa buhay. Pero paano nga kung ang mismong si Jam na ang nagsasabing patayin na siya? Kayo dear readers, papayag ba kayo o itutuloy n’yo lang ang laban ni Jam?

Read more...