TIYAK na magpipiyesta ang mga Pinoy na adik na adik sa mga Koreanovela sa plano ng isang Korean entertainment company na magdala sa Pilipinas ng magaganda at inspiring TV series mula sa kanilang bansa.
Umeere na ngayon sa PTV4 (government channel) ang isang hit na hit na serye na talagang si-nubaybayan sa buong Korea, ang Here Comes Mr. Oh na napapanood mula Lunes hanggang Biyernes, 5:30 p.m..
Ito’y sa pakikipagtulungan nga ng KEI (Korean Entertainment Inc.) na seryoso na sa bonggang partnership nila ng PTV4.
Nakachika ng ilang members ng entertainment press ang ilan sa mga bossing ng KEI, kabilang na sina Joo Shik Min, Song Hwa Kung at chairman James Chan na talagang nagtungo pa sa bansa para ma-explain sa Pinoy televiewers ang kanilang mga plano, kabilang na nga ang pagpapalabas ng Korenovela.
Sabi ni PTV4 executive Robert Tan, ito ay bahagi rin ng serye ng pagpapalakas ng kanilang istasyon. “We’re airing Korean shows that not only entertain but will also educate Filipino viewers so they will be more aware about Korean culture and family values.
We later intend to do co-productions with Korean and Filipino actors working together,” paliwanag pa niya. Sinimulan nga nila ang partnership na ito sa pamamagitan ng Korean series na Here Comes Mr. Oh, isang romantic comedy na pinagbibidahan ng Korean stars na sina Lee Jang Woo bilang si Jaryong Oh.
Isa siyang mabait, matulungin at hard working bachelor na gagawin ang lahat para makaipon.Nag-try siyang magtinda sa kalye ng spicy rice cakes na naging mabenta naman pero nanakawin ng kontrabidang si Jin Tae Hyun na gumaganap bilang Yong Suk Jin, ang idea ni Jaryong at ire-register ito bilang legal na negosyo.
Bukod dito, pakakasalan din ni Yong Suk si Jin Ju Na (Seo Hyun Jin), ang panganay na anak ng isang rich tycoon, para kamkamin ang yaman ng nasabing pamilya.
Makikilala naman ng kapatid ni Jin Ju Na na si Gong Ju Na (Oh Yeon Seo) si Mr. Oh na siyang tutulong sa kanilang pamilya para pigilan ang sakim na si Yong Suk sa masasamang plano nito.
In fairness, humakot ng awards ang nasabing serye sa Korea kabilang na ang Most Popular Star Award para kay Oh Yeon Seo; Korea Drama Festival best actress award para kay Seo Hyun Jin; MBC Drama new actor award for Lee Jung Woo at best actress award for Seo Hyun Jin.
Nagsimulang umere ang Here Comes Mr. Oh sa PTV4 noong Nobyembre, 2014 at patuloy pa rin itong napapanood ngayon. Tuwang-tuwa nga ang mga bossing ng PTV4 dahil hindi nila akalain na makakakuha ng loyal viewers ang nasabing Koreanovela.
Kaya nga raw nagdesisyon silang ipa-presscon ang nasabing programa para mas lalo pa itong palakasin sa ere. Tatagal pa ito hanggang Hunyo.
Plano rin ng KEI at ng PTV4 na magpalabas pa ng maraming Korean shows sa susunod na buwan kabilang na riyan ang isang sikat na quiz bee sa Korea at isang nationwide singing contest.
Ipalalabas din sa nasabing TV network ang serye tungkol sa isang legendary doctor sa Korea.