Sabi nga, pinakamahal mang branded na pabango na kayang-kaya niyang bilhin ay hindi sasapat para pabanguhin ang pangalan ngayon ni Pangulong Noynoy Aquino, hinding-hindi.
Marami nang labis at kulang na napapansin sa kanya ang ating mga kababayan, pero pinakamatindi ang nangyari sa kawalan ng respeto at pagpapahalagang ipinakita niya sa apatnapu’t apat na pulis na nalipol sa isang engkuwentrong kung sino ang nagpasimuno ay sila-sila lang ang nakakalaam, talagang wasak na wasak ngayon ang pangalan ni P-Noy sa bansang kanyang pinamumunuan.
Wala siya sa pagsalubong sa mga bangkay nu’ng Huwebes nang hapon, mas minatamis pa niyang dumalo sa imbitasyon ng isang car factory, katwiran ng kanyang tagapagsalita sa Palasyo na tunay namang ikinagimbal-ikinagalit ng ating mga kababayan ay wala raw naman kasi talaga sa iskedyul ng pangulo ang pagpunta sa Villamor Air Base nu’ng araw na ‘yun.
Onli in da Pilipins! Naturingan kang Commander-In-Chief, ikaw ang pangulo ng bansang kinabibilangan ng mga pumanaw na pulis, ang katapat lang na paliwanag ng kawalan mo du’n ay dahil wala sa iskedyul mo ang pagbibigay-pugay sa mga nasawing pulis?
Susmaryosep! Ano ito, lokohan, ipinanganak tayo kahapon? Napakababaw na dahilan nu’n kumpara sa isang napakalalim at napakasensitibong panahon.
Nagpunta ang pangulo sa necrological service para sa SAF 44, pero hindi masimulan-simulan ang dapat gawin, the late P-Noy ang dahilan.
Maglibot man sa mga barangay ngayon ang kanyang sister na si Kris Aquino ay walang mangyayari, lutang na lutang pa rin ang masidhing galit sa kanya ng bayan, matatagalan pa bago mawala ang alingasaw ng kanyang pangalan ngayon.