NAKAALIS na kahapon ang limang kinatawan ng FIBA na bumisita sa bansa upang tingnan ang mga venues kung saan puwedeng idaos ang 2019 World Cup.
Ang Pilipinas ay isa sa mga nag-bid para makamit ang karapatang mag-host ng torneo. Kabilang sa mga ibang nag-bid ay ang China, Germany at France.
Ang Pilipinas ang siyang unang binisita ng mga taga-FIBA.
Habang nandirito, ang mga FIBA representatives ay dinala sa Philippine Area sa Bulacan, sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City at Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ito ay tatlo sa limang venues na inilagay ng Samahang Basketbol ng Pilipinas sa bid nito.
May dalawang iba pang ‘virtual’ venues. Ibig sabihin, mga arena na hindi pa naitatayo at nasa planning stage pa lang.
Ayon kay SBP Deputy Executive Director for International Affairs Butch Antonio ay magtatayo din ng basketball coliseum ang Solaire na malapit sa MOA Arena. Bukod dito ay magtatayo rin ng version ng Mall of Asia sa Cebu.
Ang lahat ng ito ay nasa planning stage pa lang. Pero tiyak na itatayo.
So, bale limang venues ang iniladlad ng SBP sa FIBA.
Sapat na ba iyon?
Sa totoo lang, kung infrastructure ang labanan, malamang sa talo tayo ng China.
Ang 2019 FIBA World Cup ang pinakamalaking basketball event ever dahil sa 32 bansa ang kalahok dito. Nadagdagan ng walo ang 24 kalahok sa Spain noong isang taon.
So, nang kinapanayam daw ang representative ng China, sinabi nito na puwede silang magkaroon ng walong venue. Ito ay para sa ganun ay isang venue para sa bawat four-team qualifying round.
Isipin mo iyon? May walong venues na sila. Tayo ay tatlo pa lang. Paano tayo mananalo sa bid kung venues ang pag-uusapan.
“Alam mo, kahit na sangkaterba pa ang venues nila, puwede nating makuha ang hosting ng World Cup,” ani Antonio.
Paano?
“Ang panlaban natin ay passion. Nakita na iyan ng mga taga-FIBA sa ginanap na FIBA Asia Meet dalawang taon na ang nakalilipas sa MOA Arena. Iba talaga ang mga Filipino fans. May walong venues nga ang kalaban pero malamang na kakalog-kalog. Tayo’y iilan ang venues pero tiyak na mapupuno. At iyon ang gusto ng FIBA.”
Idagdag pa rito ang Philippine Arena na puwedeng punuin ng 55,000 fans. Wala silang ganoon.
Kaya hindi lang ang SBP ang na-excite sa pagbisita ng Taga-FIBA. Ang mismong taga-FIBA ang na-excite sa Philippine Arena!
Sana makuha natin ang 2019 FIBA World Cup.