“KINAKABAHAN na po kami. Hindi pa po humuhupa ang ulan, bka abutin na kmi d2 sa 3rd flor. 3 kentucky st.bgy del monte. Sheila po. Pakitulungan po kami.”
“Bossing, si Malou po ito. Ipagdasal mo kami na hindi kami maabot ng tubig. Nasa bubong na kami ng mga anak ko.”
“SOS PLS. Nid your help ASAP. Bin koling u. My kids are trapped on the 2nd floor. 103 Moonstone St. Northview 1 Batasan Hills QC. Access thru Batasan San Mateo Rd.”
“I’m on my rooftop in Antipolo. Am wet shivering. cud u send a chopper for me? Plsssss!!!!”
* * *
Yun ay mga text messages at tawag sa cellphone ng mga taong malapit sa akin noong Sabado, sa kasagsagan ng ulan at baha.
Yung humingi ng dasal na mailigtas silang mag-iina ay dati kong empleyada sa “Isumbong mo kay Tulfo,” si Malou Sanchez, na nakatira sa Provident Village sa Marikina.
Si Sheila na nagpadala ng text message ay dati nang natulungan ng “Isumbong.
Yun namang nagpadala ng English text messages ay mga kaibigan ko na nakatira sa Northview at sa Antipolo.
Nanlumo ako nang matanggap ko ang tawag at text messages nila.
Damang-dama ko ang takot nila, ang pagkapit nila sa patalim.
Pero wala akong magagawa.
Tinawagan ko ang mga police stations at ang National Disaster Coordinating Center (NDCC), pero wala rin daw silang magawa.
Kung sana meron akong amphibian truck o helicopter, makikipagsapalaran sana ako para iligtas sila at iba pang mga tao.
Multiply by 1,000 the people who asked for my help last Saturday at meron kayong ideya kung ilan ang taong humihingi ng tulong sa gobyerno noong Sabado.
* * *
Napakawalang kuwentang gobyerno ito. Inutil!
Ang alam lang nila ay mangurakot sa kaban ng bayan, kumain sa mamahaling restoran sa ibang bansa, at magliwaliw.
“P&*^%$#@ mo, pandakikak,” nasabi ko sa aking sarili habang nagdurugo ang aking puso sa mga taong humingi ng tulong sa akin pero wala akong magawa.
Sana hindi na maulit ang nangyari noong Sabado.
Sana ang susunod na administrasyon ay handa na sa mga kalamidad, gaya noong Sabado.
Sana merong sapat na mga gamit ang gobyerno upang makapagbigay ng agarang tulong sa mga taong nasa bingit ng kamatayan.
Kung nakakamatay ang mura, baka patay na ngayon yung opisyal na pinagmumura ng taumbayan noong Sabado.
* * *
Habang sumisigaw ng tulong ang marami nating kababayan sa Metro Manila at karatig pook dahil sa baha, walang alam gawin si Defense Secretary Gilberto Teodoro, na chairman ng National Disaster Coordinating Center (NDCC) at hepe ng Office of Civil Defense.
Ang kanya lang nasabi sa TV ay umapela sa mga motorista na huwag harangan ang mga kalye na binabaha dahil baka makasagabal ang mga ito sa government vehicles na papunta sa flooded areas.
Pero wala ni isang behikulo ng gobyerno na makikita noong kasagsagan ng ulan at baha.
Natataranta si Teodoro at di alam ang gagawin habang maraming mamamayan ang nagmamakaawa na tulungan sila.
Ito ang taong gustong maging Pangulo ng bansa.
Mahiya ka naman, Gibo!
* * *
Kabaligtaran naman si Gibo kay Sen. Dick Gordon, chairman ng Philippine National Red Cross (PNRC).
Alam na alam ni Gordon ang kanyang mga gagawin.
Tumawag siya sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) sa Olongapo City, kung saan dati siyang hepe, at nagpadala ng mga rubber boats at search and rescue trucks at mga ambulansiya.
Pero pagdating sa may Bulacan, ayaw nang papasukin ang mga trak at ambulansiya ng SBMA dahil isinara ng management ng North Luzon Expressway (NLEX) ang daan.
Nakipag-away si Gordon sa NLEX management upang palusutin ang kanyang mga trak at ambulansiya.
Pero nang dumating ang mga ito sa PNRC Quezon City chapter, gabing-gabi na.
Hindi natin ina-appreciate si Gordon dahil di natin kilala ang kanyang tunay na pagkatao: Siya’y likas na matulungin at may leadership.
Siya ang dapat nating maging susunod na Pangulo.
Mon Tulfo,
Target ni Tulfo, BANDERA 092909