KUNG di pa babaha ng grabe, at marami ang mamamatay, di pa magigising ang mga politiko (salot na ba sila sa lipunan?), na walang ginawa kundi ang pumorma’t magpasikat, magdunung-dunungan at magbait-baitan.
Ngayon ay isinususog na ni Rep. Edcel Lagman, vice chairman ng House committee on appropriations, ang pagkakaroon ng multi-year flood control program (ano ba yan?) na sisimulan sa susunod na taon(agad?). Sa simula pa lang ng proyekto, P10 bilyon agad ang ibubuhos para sa konstruksyon ng modern drainage systems, river dikes, desilting projects at flood prevention infrastructure sa mga bahaing lugar. Parang narinig na natin yan dahil meron namang mga pumping stations.
Ano ang kinatatakutan natin? Katiwalian.
Di ba’t kapag disiplinado ang taumbayan at sumusunod sa batas, malayo siya sa peligro ng baha?
Katiwalian ba o disiplina?
BANDERA Editorial, 092909