Mag-utol wagi ng P1-M, house & lot sa PINASikat ng Showtime

spyros
Deserving ang magkapatid na nanalo sa ginanap na grand finals ng PINASikat noong Sabado sa It’s Showtime na nagpakitang-gilas sa paglalaro ng yoyo.

Pinatunayan ng Betito brothers ang kanilang galing sa iba’t ibang yoyo tricks na talaga namang pang-world class ang dating.
Nagkakaisa ang madlang pipol sa pagsasabing karapat-dapat lang manalo sina Marco at Marc Betito, also known as “Spyros” dahil sa kamangha-manghang performance nila sa entablado ng Showtime.

Nakakaloka, kahit kami ay napanganga habang pinanonood sila. Ayon sa mag-utol, natuto silang magyoyo gamit ang diabolos, o mga Chinese yoyo, noong magpunta sila sa Disney World.

Pagkatapos nito nag-research sila sa internet para mas mapalawak ang kaalaman nila sa paggawa ng tricks gamit ang Chinese yoyo. “Our act is not just about the trick. It involves dancing, coordination, timing.

We are happy to be in the PINASikat grand finals. Our goal is to entertain the people and to make everyone happy about watching our performance,” sabi ni Marco.

Para sa kanilang grand finals performance, gumamit ang Spyros ng glow-in-the-dark Chinese yoyo para mas gawing bonggang-bongga ang kanilang video game theme.

Dito na natulala ang viewers dahil sa tindi ng mga ipinakita nilang tricks.Ayon nga kay Meg Imperial na isa sa mga judges, “Alam niyo, akala ko kanina nung nakita ko ‘yung VTR ninyo, akala ko katulad lang nung sa yo-yo, kinabahan ako na baka hindi niyo masurprise pero nagkamali ako kasi may story yung performance ninyo.

“At magandang bagay ‘yun. And, hindi lang isang pasabog, kundi lagi kayong may pasabog kaya nakakatuwa siyang panoorin. Pinabilib niyo kami, napatayo ang mga hurado,” aniya pa.

Nagwagi ng P1 million at house and lot ang magkapatid , “Thank you, madlang people, thank you. Salamat sa support niyo, we’re so happy to be here,” ayon pa sa Spyros.

Ang iba pang grupong nagpasikat sa PINASikat ng Showtime ay ang A.D Beat, Amokk, Trumpo Maskter, Rhufa’s Army, si Marlou M, Wushu Discovery, D’ Spinner, D’ Kings, Pole Empress, Urban Crew, Phoenix, The Wedding Singer, Asian Pride, J-Crisis at Flairmonster.

Read more...