ATLANTA — Kilala si Kyle Korver bilang isa sa pinakamahusay na 3-point shooter ng NBA.
Kahapon ay ginulat niya hindi lamang ang mga basketball fans kundi maging ang mga kakampi niya nang i-dunk niya ang bola mula sa pasa ni Al Horford sa isang fastbreak play.
Sa lakas ng palakpakan at hiyawan ng Atlanta fans ay masasabing ito na ang pinaka-highlight ng 110-91 panalo ng Atlanta Hawks kontra Indiana Pacers kahapon.
Mahigit dalawang taon na nang huling umiskor ng dunk shot ang 6-foot-7 na si Korver. Malimit kasi siyang pumu-puwesto sa 3-point area kung saan may shooting percentage siya na 53.6%. Mas mataas pa ang shooting percentage ni Korver mula sa tres kaysa sa kanyang field goal percentage na 51.5.
Kahapon ay nagtapos siya na may 10 puntos at tumira ng 2-of-4 mula sa 3-point area.
Nagdagdag naman ng tig-17 puntos sina DeMarre Carroll at Jeff Teague para sa Hawks na kasalukuyang hawak ang pinakamahabang winning streak sa liga sa season na ito.
Ito ang ika-14 sunod na panalo ng Atlanta.
Dahil hawak ng Atlanta ang No. 1 spot sa Eastern Conference ay napunta kay Hawks coach Mike Budenholzer ang karangalan na maging head coach ng East team sa NBA All-Star Game na gaganapin sa New York City sa susunod na buwan.
Si C.J. Miles ay umiskor ng 18 puntos para pangunahan ang Pacers na nahulog sa ikaanim na sunod na kabiguan.
Thunder 105, Wizards 103 (OT)
Sa Washington, umiskor ng 34 puntos si Kevin Durant para pamunuan ang Thunder at umiskor ng libreng layup si Russell Westbrook may 0.8 na lang ang natitira sa overtime para ibigay sa Oklahoma City ang importanteng panalo.
Ito ang ikaapat na sunod na panalo para sa Thunder na naghahabol para sa ikawalong puwesto sa Western Conference.
Kasalukuyang hawak ng Phoenix Suns, na binigo ang Portland Trail Blazers kahapon, 118-113, ang ikawalong puwesto sa West.
Napatid kahapon ni Durant ang career-worst 0-for-14 shooting slump mula 3-point range nang gumawa siya ng apat kahapon.
Sa huling play ng Thunder sa overtime ay kumawala sa depensa ni Bradley Beal si Westbrook mula sa inbound pass para maka-drive sa basket at ibuslo ang walang bantay na layup. Nagtapos siya na may 32 puntos para tulungan si Durant.
Ang Wizards ay pinangunahan nina Nene na may 24 puntos at John Wall na may 28 puntos at 13 assists.
Warriors 126, Rockets 113
Sa Oakland, si Stephen Curry ay gumawa ng 22 puntos at 10 assists at ang kasama niya sa tambalang “Splash Brothers” na si Klay Thompson ay tumira ng 27 puntos para pangunahan ang Warriors sa panalo laban sa isa pang powerhouse team sa Western Conference.
Ito ang ika-34 panalo ng nangungunang Golden State sa 40 laro at winalis ng koponan ang Rockets, 4-0, sa kanilang pagtutuos sa season na ito.
Nalamangan ng mahigit 10 puntos ng Warriors sa lahat ng apat na panalo nito ang Rockets.
Si James Harden ay may 33 puntos at anim na assists para sa Houston.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.