NASA kamay ng mga mahihilig sa boxing para maganap ang pinakahihintay na tagisan nina Manny Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.
Ganito ang tinuran ng adviser ni Pacquiao na si Michael Koncz matapos maglabas ng pahayag ni Mayweather na hindi totoo na ayos na ang laban na ikinalendaryo sa Mayo 2.
“I think that the only way to force that fight is that the fans are going to have to force it. We can’t do any more,” wika ni Koncz kay Lem Satterfield ng The Ring.
Tumawag si Mayweather kay DJ Whoo Kid ng “The Whoolywood Shuffle” para ihayag ang umano ay tunay na estado sa nilulutong megafight.
Aniya, may nagaganap na negosasyon pero ang sabihin ni Pacman na payag siya sa lahat ng kondisyon ay hindi makatuwiran dahil hindi siya ang direktang humaharap kundi si Bob Arum ng Top Rank.
“Pacquiao said that he agreed to everything. What did you agree to? You have to say so. You have a boss. That’s called Top Rank Promotion,” wika ni Mayweather.
Tinuran pa ni Mayweather na mahaba pa ang usapin hinggil sa Pay Per View dahil malayo ang antas ng PPV ng mga laban ng Pambansang Kamao kung ikukumpara sa kanyang mga laban.
“We have to look at his pay-per-view number. His last fight didn’t even do 300,000 homes. So let’s make this make sense,” dagdag nito.
Idinagdag pa ni Mayweather na si Pacquiao ay isang pawn sa larong chess dahil hindi siya ang naglalabas ng pinal na desisyon kundi si Arum.
Tiniyak naman ni Koncz na hindi nila patatagalin ang paghihintay kay Mayweather dahil tiyak na lalaban si Pacquiao sa Abril o Mayo.
Si Amir Khan ang isa sa opsyon ni Pacman lalo pa’t bukas ang British boxer na harapin ang dating sparmate nang sila ay parehong nasa ilalim ni trainer Freddie Roach.
“Just because we’re looking at other options doesn’t mean that we’ve slammed the door of Floyd either. But I’m not optimistic that he’s going to step up to the plate. We’re going to fight in April or May, regardless of whether it’s Floyd or somebody else,” wika pa ni Koncz.