Marlene Aguilar kinuyog, pinalamon ng masasakit na salita ng madlang pipol

marlene aguilar
Hanggang ngayon ay ninanamnam pa rin ng buong sambayanang Pinoy ang pagdalaw sa ating bayan ni Pope Francis. Ibang-iba ang kapaligiran mula nang dumating siya nu’ng nakaraang Huwebes nang hapon hanggang magbalik na ang Santo Papa sa Rome, Italy nu’ng Lunes nang umaga.

Pero habang parang idinuduyan pa sa alapaap ang mga Pinoy sa masarap na pagbisita ng Santo Papa ay umariba naman ang isang taong wala yatang Santo Kristo sa dibdib sa kanyang panlalait sa Santo Papa at sa milyun-milyong Pilipinong sumalubong at nagpabasbas sa tagapamuno ng simabahang Katoliko.

Hanggang ngayon ay puro negatibong komento ang tinatanggap ni Aling Marlene Aguilar sa kanyang mga social media accounts. Agahan, tanghalian, merienda at hapunan ay puro mapaklang apdo ang ipinatitikim sa kanya ng ating mga kababayan, lalung-lalo na mula sa mga Katolikong tinawag niyang mga bobo, mangmang at idiota sa pagsamba sa Santo Papa na alagad daw ng demonyo.

Ano kaya ang kaligayahang nararamdaman ng isang tulad ni Aling Marlene na sa halip na manahimik na lang kungdi man siya naniniwala sa mga ipinag-uutos ng simbahang Katoliko ay kung bakit nagpapakawala pa ng mga salitang nakapananakit at siguradong babalik din sa kanya pagkatapos niyang bitiwan?

Anong puso kaya meron ang babaeng ito para kahit ang Santo Papa na itinuturing na kinatawan at mukha ng Diyos ay kinakaya niyang lait-laitin?

Nasa Pilipinas siya pero kung maliitin niya ang mga Pilipino ay parang hindi natin siya kalahi, para siyang banyaga, nasa katinuan pa nga kaya ang takbo ng isip ng nakababatang kapatid ni Ka Freddie Aguilar?

Sa halip na manlait siya ng relihiyon at ng kanyang mga kapwa Pilipino ay ilaan na lang sana ni Aling Marlene Aguilar ang kanyang oras kay Jason Ivler, ang kanyang anak na ilang taon nang nakakulong, mas kailangan nito ang kanyang atensiyon.

Read more...