Kalinga ng ex-employer

ISANG email ang natanggap ng Bantay OCW mula sa dating employer ng  isang  OFW.
Nagawang tawagan ni Delia Buan ang dating Pilipinang amo na pinapasukan niya hanggang sa nag-aplay siya patungo ng Saudi.  Sa dating employer siya nakapagsumbong tungkol sa pambubugbog sa kanya ng among babae sa bagong pinapasukan. Tanging Hayah lang daw ang alam niyang pangalan ng amo.
Sumbong niya sa dating employer, mula pa noong Nobyembre ay hindi pa siya pinasusuweldo.
Kahit gusto na raw niyang umuwi sa Pilipinas ay ayaw naman daw siyang payagan ng kanyang mga employer. Pati kanyang passport ay hawak nila  kung kaya’t walang lakas ng loob na tumakas dahil na rin sa takot na sa bandang huli ay “mabaliktad” pa siya, gaya nang nangyayari sa maraming OFW.
Hindi rin daw siya makatawag  sa Raysa International Smart Employment Services, ang ahensiyang nagpaalis sa kanya, para doon makapagsumbong.
Dahil sa sumbong ng dating kasambahay, agad namang naghanap ang dati niyang amo ng tulong.  Hanggang sa makita niya sa Inquirer.net ang Bantay OCW kung kaya’t kaagad siyang nakapag-email sa atin.
Ibinigay niya ang kumpletong address ni Delia sa Riyadh pati na ang buong pangalan ng sponsor nito, ang among lalaki na siyang kumuha sa kanya mula sa Raysa.

Nais naming magpasalamat sa malasakit ng dating employer ni Delia at sa kasalukuyan ay pinagtutulungan na ng ating mga opisyal ng embahada ng Pilipinas sa Riyadh ang reklamong ito.
vvv
Nagreklamo laban sa isang developer ang ating OFW hinggil sa bawas na claim nito.

Palibhasa’y hindi na niya kaya pang ituloy ang hinuhulugang bahay kung kaya’t nakiusap siyang  ibabalik na lang ang bahay at ibalik na lang kung magkano ang nararapat na isauli sa kanya.

Kadalasan naman kapag ganitong solian, hindi naman ibinibigay nang buo ng developer ang naibayad ng kanilang mga kliyente.

Kaya naman pumayag na rin siya sa halagang napagkasunduan. Nang magbalik na siya sa opisina nito upang kunin ang tsekeng inaasahan, napakalaki umano ng bawas sa actual na halaga ng tsekeng ibinibigay sa kanya samantalang ibang halaga naman ang pinapipirmahan sa kaniya.

Payo ni Atty. Elvin Villanueva, tanggapin na muna niya ang naturang tseke at isulat niya doon ang aktuwal na halagang natanggap at lagyan lamang niya ng note na partial payment at saka niya ipagpatuloy ang reklamo.

Mas maigi na umanong magamit na niya ang pera habang inaasikaso ang kanyang reklamo na maibigay sa kanya ng buo ang halagang napagkasunduan.

Ang ipinagtataka rin naman namin ay bakit kailangang magkasundo pa kunwari kung hindi naman pala tutuparin ang unang usapan. Sa kaun-ting halaga, bakit kaila-ngang pahirapan pa ang ating kabayan sa halip na ibigay na lamang iyon ng buo?

Sa katotohanan naman, malaking halaga na rin ang ibinawas nila sa perang naibayad ng ating kabayan. Konting konsi-derasyon lang sana. Hindi naman malaking kabawasan yan sa kayamanan ng naturang developer.

    Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon, audio/video live streaming:     E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/ susankbantayocw@yahoo.com  www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0927.649.9870

Read more...