Cebuana Lhuillier nilampaso ang Bread Story-LPU

Mga Laro sa Huwebes
(Ynares Sports Arena)
12 n.n. MP Hotel vs Cebuana Lhuillier
2 p.m. MJM Builders vsJumbo Plastic
4 p.m. Hapee vs Cagayan Valley
Team Standings: yHapee (10-0); yCagayan Valley (9-0); *Café France (9-2); **Jumbo Plastic (6-4); **Cebuana Lhuillier (6-4); Tanduay Light (5-6); Bread Story (4-6); xRacal Motors (3-7); xMJM M-Builders (3-7); xAMA (3-7); xWangs (2-8); xMP Hotel (1-8)
y – semifinalists
*- twice-to-beat quarterfinals
**- quarterfinalist
x – eliminated

DINAIG ng Cebuana Lhuillier ang Bread Story-LPU, 90-78, para manatiling nakatuon sa mahalagang ikaapat na puwesto sa 2014-15 PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa The Arena sa San Juan City.

Nagsalitan ang mga starters at bench players sa pagbutas sa depensa ng Pirates upang makatabla ngayon ng Gems ang nasa ikaapat na puwesto na Jumbo Plastic  sa 6-4 baraha.

Kailangan ngayon ng Gems ang manaig pa sa MP Hotel Warriors at manalangin na masilat ng MJM M-Builders ang Giants sa kanilang mga laro sa Huwebes para makuha ang mahalagang puwesto na magkakaroon ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals.

Kapag nagtabla pa rin ang dalawang koponan, ang Jumbo Plastic ang kukuha sa insentibo dahil tinalo nila ang Gems sa naunang pagtutuos.

Ang off-the-bench na si Simon Enciso ay mayroong nangungunang 24 puntos, na sinangkapan ng apat na triples, at siyang nagpatuloy sa sinimulan ni Almond Vosotros na may dalawang triples sa unang yugto tungo sa 23-13 kalamangan.

Bumaba ang Pirates sa 4-6 karta at nahaharap din sa must-win laban sa Racal Motors sa huling asignatura para makaiwas sa maagang bakasyon.

Nalaglag sa ikapitong puwesto ang Pirates dahil nagwagi ang Tanduay Light Rhum Masters sa AMA University Titans, 74-66, sa kanilang tagisan.

Gumawa ng 17 puntos si JP Belencion para sa Tanduay na tinapos ang elimination round bitbit ang 5-6 baraha para okupahan pansamantala ang ikaanim na puwesto na kasamang aabante sa susunod na yugto ng kompetisyon.

Pinataas pa ng Café France ang kanilang morale papasok sa susunod na yugto nang durugin ang Wangs Basketball, 68-50.

Ito ang ikalimang sunod na panalo ng Bakers para sa 9-2 kabuuang karta upang patingkarin ang pag-okupa sa ikatlong puwesto na magkakaroon pa ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals.

Read more...