Nash mas piniling mag-artista kesa maging US citizen

nash aguas
MAS pinili pala ni Nash Aguas ang showbiz career niya kaysa sa pagiging US citizen. At hindi naman siya nabigo dahil bida na siya ngayon sa laging trending na Bagito kasama sina Ella Cruz at Alexa Ilacad.

Narinig namin ang tsika ng mommy ni Nash sa mga katoto sa nakaraang thanksgiving presscon ng Bagito ang tungkol dito, “Nasa States na kami noon at doon na sila mag-aaral na magkapatid.

Doon na kasi kami maninirahan kasama ang kanyang Daddy. “Nag-graduate na kasi si Nash sa Goin Bulilit at naging malungkot na malungkot siya. Na-miss niya ang showbiz.

Pagdating kasi sa edad 13 ay kailangan na nilang mag-graduate. Considered adult na kasi sila. “Habang nasa States, isinabmit na ng dad niya ang mga requirement para maging American citizen na siya at younger sister niya.

Pero, kailangan muna niyang maghintay hanggang mag-21 siya, bago siya tuluyang maging green card holder.“Nakiusap si Nash sa dad niya na umuwi muna kami ng Pinas para magbakasyon, tutal, hindi pa naman namin naibenta ang bahay  namin sa Cavite at mayroon pa kaming uuwian.

Pumayag naman ang dad niya. Iyon, habang nagbabakasyon kami rito, dumating ang offer para sa Luv U,” kuwento ng proud mom ni Nash.

Sa Luv U nga nag-click ang loveteam nina Nash at Alexa na nakitaan ng promise ng ABS-CBN kaya binigyan sila ng solo project, ito ngang Bagito na humahataw pa rin sa ratings game sa direksiyon nina Onat Diaz at Jojo Saguin.

At dahil sensitibo ang kuwento ng Bagito bilang batang magulang sina Nash at Ela at nagagampanan ito ng maayos ng dalawa kaya naman maraming viewers ang humihiling na magkaroon sila ng talakayan.

Pinagbigyan ng management  ang hiling ng viewers na makipagtulungan sila sa Center of Family Minister (CEFAM) para sa pagbubukas ng “Bagito Hangout” online upang makapagbigay ng gabay sa televiewers kung saan maaaring magtanong at humingi ng payo ang netizens sa counselors ng CEFAM na nagsimula kahapon sa ganap, 6:30 p.m. hanggang 9:30 p.m..

Read more...