MADALAS nating marinig na marami sa atin ang magagaling magsalita, kaya’t kailangan naman natin ngayon ang magagaling sa mabuting gawa at halimbawa. Nanggagaling ang kapangyarihan ni Jesus sa pagsunod sa kalooban ng Ama. Hindi tulad ng mga guro ng batas na ginagamit ang kapangyarihan upang makapang-api ng kapwa.
Iyan ang pagninilay sa Ebanghelyo sa unang linggo sa karaniwang panahon (Mc 1:21b-28; Sim 8-2a at 5,6-7, 8-9), dalawang araw bago dumating ang Santo Papa Francisco. Ang pagninilay sa Ebanghelyo ay isinulat bago dumating ang kalagitnaan ng 2014, naaayon sa pagtatapos ng kapaskuhan, at di itinugma sa pagdating ng mapagmahal sa mahihirap, api sa lipunan, bilanggo’t may sakit na pinuno ng Holy See.
Kung tutuusin, wala namang napakalaking nagawa si Pope Francis bilang obispo’t cardinal ng
Argentina. Tulad din siya ng Ikalawang Aquino, anak ng relihiyosang si Corazon at mapag-rosaryong si Benigno; at isama na rin diyan ang dilaw na mga katropa, na matingkad na naninilaw sa katamaran at korapsyon.
Hindi naman napakalaki ang nagawa ni Cardinal Jorge Mario Bergoglio, anak ni Mario Jorge, sa Buenos Aires. Dinagdagan lang niya ang maliit na bilang ng mga kapilya at sub-parish sa mga kolonya ng iskwater (iskwater mismo at hindi informal settlers ang tuwirang tawag ng simbahan), ang paraiso ng mahihirap, masasamang tao at prostitutes para mailapit sila sa Diyos.
Mahigit isang taon na lamang at matatapos na ang malamyang paglilingkod ni Pangulong Aquino sa mahihirap, binagyo at paggalang sa mga patay ay wala pa rin siyang malaking nagawa para sa itinuring na mga daga ng lipunan pero sinuyo sa kanyang kampanya sa halalan. Hindi rin niya minahal ang mga ito, na tinawag niyang boss.
Pero, agad na “tumaas ang rating” ni Pope Francis sa mga Katoliko, lalo na nang simulan niya ang kanyang pamamastol sa pagiging simple’t payak, mapagkumbaba at hindi marangyang higaan at hubad na silid. Mas lalong minahal si Pope Francis sa kanyang araw-araw na pananghalian sa kantina at pagpila kasama ang maliliit na obrero ng Vatican.
Sinalubong ang Santo Papa sa Sri Lanka ng naglalakihang mga elepanteng itim. Sa Pilipinas, “mainit na pagtanggap” ang ibinigay sa kanyang ng epal na mga buwaya, na mas lalong tumaba’t lumaki ngayon dahil sa kangangasab sa mahihirap, patuloy na pagnanakaw sa arawang obrero, at hindi matapos na paglapastangan sa mga patay. Pero, iginigiit ng mga estudyante sa Malacanang na tumutulong din naman ang gobyerno sa mahihirap; tulong na walang maipakitang listahan.
Sa National Shrine of the Divine Mercy sa Santa Rosa 1, Marilao, Bulacan, halimbawa, ay nakatala hanggang sa huling sentimo ang pagbibigay kawang-gawa (apostolate) sa charitable institutions na nasasakupan ng Diocese of Malolos, tulad ng Bethlemen House of Bread, Hospicio de San Juan de Dios, Tahanang Mapagpala, Emmaus House of Apostolate, Bahay Pangarap, Lingap Bata at Bahay Kalinga, Indigenous People of Dona Remedios Trinidad, Galilee Home, Bethany House, Bukal ng Buhay Bustos, Bulacan Provincial Jail at Nazareth Home for Street Children.
Mauubos ang espasyo kung babanggitin ko ang tulong sa mahihirap ng lahat ng diocese sa buong bansa. Pero sa pagyayabang ng DSWD at Malacanang, natulungan na raw ang lahat ng mahihirap. Kasinungalingan.
Makakasama ng Santo Papa sa hapag-kainan ang tunay na mahihirap, silang pinagkaitan ng bilyones na conditional cash transfer, na kinopo mula sa pera ng arawang obrero. Silang pinangakuan na gaganda ang buhay dahil buburahin na ang korapsyon. Ha!?!
Para sa mahihirap, napakahirap sikmurain na sasalubong at haharap ang mga buwayang magnanakaw sa Santo Papa, magpapakabanal nang walang pagtitika, hahalik sa singsing o magmamano at may pahawak-hawak pa ng rosary. Alam na natin kung saan sila humugot ng kapal ng mukha, tulad ng nabanggit na pang-iinsulto sa ilang nakalipas na SONA (state of the nation address).
Ang taon 2015 ay idineklarang “Year of the Poor” ng Simbahang Katolika. Ngayon pa lang ay damang-dama na ang kahirapan dahil pahihirapan pa nga ang mga sumasakay sa MRT at LRT, ang mga gumagamit ng tubig at kuryente sa kabila ng pagbaba ng presyo ng gasolina’t krudo.
Mercy and compassion, o awa at habag, ang tema ng pagdalaw ng Santo Papa (ang “mercy” ay hindi unang ginamit ni Pope Francis. Si Pope John Paul II ay gumamit ng “Infinite Mercy” para sa kanyang “fatherly care” sa mahihirap). Bakit hindi mabanggit ng Katolikong makapangyarihang opisyal ang salitang “awa” sa mahihirap sa Samar at Leyte?
Ang makapangyarihang opisyal na ito at mga buwayang Liberal sa Senado at Kamara ay “tuwang-tuwa” sa pagdating ng Santo Papa. Hindi muna mababanatan sa media ang kanilang patuloy at mas pinalawak na pagnanakaw sa mahihirap.
Sa mga Misa ni Pope Francis, base sa itinakdang mga Ebanghelyo at pagninilay, aanyayahan ng Santo Papa ang mga opisyal na sumunod kay Jesus at “pagsumikapang maglingkod ng may kapangyarihan na nagmumula lamang sa Panginoon.” Inaykupu, napakahirap at napaka-imposible nito.
Pero, ganito nga ang ginawa ng piling mga pari sa Diocese of Novaliches, kaya’t sila’y makakasama sa Misa’t piging ng Santo Papa. Bakit “napakahirap” at “napaka-imposibleng” gawin ng mga “good” at “practicing Catholics” sa pamahalaan?
Dahil pera ang panginoon ng ganid at kapangyarihan ang panginoon ng baliw, at hitik ang kasaysayan sa mga kuwento ng mga iyan. Hindi mahirap i-memorize yan.
MULA sa bayan (0906-5709843): Bakit nakasuot ng sotanang Misa ang paring si Hector Canto habang hinahalikan sa labi ang kinakasamang si Cynthia, karga ang kanilang anak? Shirly ng Lambunao, Iloilo. …6421
Ang sekta namin ay hindi nakikiisa sa pagdalaw ni Pope. Pero, meron kaming sunud-sunod na pagsamba’t malalim na panalangin. …0871
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.