Fare hike sa LRT1, may susunod pa

DAPAT pala ay P32  at hindi P30 ang pasahe sa LRT 1 (Roosevelt-Baclaran) kung ang pagbabatayan ay ang “Notional fare” na P12.13 (boarding fee) at P1.10 (per kilometer) na nasa nilagdaang kontrata ng Department of Transportation and Communication at Manny Pangilinan-Ayala consortium.

Ang naging actual formula na ginamit ni DOTC Sec. Joseph Abaya ay “P11 plus P1” ay mas mababa sa kontrata na tinalakay naman sa mga public hearing noong 2011.

Nagmukhang gwapo at parang may malasakit sa taumbayan ang ginawang ito ni Abaya.  Ang kaso, hindi niya sinabi na taumbayan din pala ang magbabayad ng balanseng “P12.13/1.10 formula” sa ipinatupad na “P11 plus P1”.  Nakasaad  ito sa “deficit payment scheme” sa pinirmahang kontrata.

Bukod dito, magtataas ng pasahe ang Consortium tuwing dalawang taon sa ilalim ng “step up fare adjustment” at “periodic adjustment of the notional fare.” Meron ding “inflation rebasing” tuwing apat na taon. Indikasyon na tuluy-tuloy ang regular at otomatikong fare hike sa LRT1.

Bukod sa mga ito andiyan din ang mga “sales taxes” at VAT na papasanin pa ng mga commuter.  Walang kalugi-lugi!

Kung noong panahon ni Pangulong Ramos ay merong “government guarantee” sa mga kontrata ng Independent Power Producers, dito sa LRT1 ay naglagay sila ng tinatawag na “regulatory risk guarantee.” Ibig sabihin, hindi na maaaring pakialaman ng DOTC ang fare hike na ipatutupad.

‘Pag bumaba ang kita nila, obligadong bayaran ng gobyerno ang puhunan nila na inilagay sa LRT1 extension. Hindi naiiba sa IPP ni Ramos noon.

Kung tutuusin, hindi naman nalulugi ang LRT1 kahit ito’y pinatatakbo ngayon ng gobyerno. Di tulad ng MRT, ang LRT1 ay mayroong “fare box ratio” na 1.23 noong 2013 na kahit hindi nagtataas ng pasahe, ay kinikilala bilang isa sa mga kumikitang international railing systems.
Pero, bakit ibinigay ngayon ng gobyerno ang pamamahala ng kumikitang negosyo ng LRT sa MPIC-Ayala consortium? Para bumaba ang pasahe o para lalong tumaas?

Dapat nga ay gobyerno na lang ang gumastos sa P64.9-B na LRT extension project at hindi pribadong sektor. May pambili nga sa MRT na P53 bilyon, bakit ayaw gastusan ang kumikitang LRT?
***
Sa panayam ko kay Mel Robles Jr., dating administrador mg LRTA noong panahon ni Pangulong Arroyo, kwento niya noong panahon ni Erap, ibinaba nito ang pasahe sa LRT at MRT. Noong maupo si Gloria, inirekomenda niyang itaas ang pasahe sa LRT pero ayaw ni GMA dahil mahihirapan daw ang publiko.

Ngayon sa panahon ng Tuwid na daan, itinodo ang taas pasahe, ibinigay pa ang pamamahala sa mga paboritong negosyante.

Ayon pa kay Robles, nasa charter ng LRTA na “serbisyo publiko” ang pangunahing layunin nito sa pagsusulong ng maasahang mass transport system sa mamamayan, para umikot at umusad ang ating ekonomya. Para daw “shopping mall” ang Metro Manila at ang LRT1 and 2, MRT ang siyang mga escalators at elevators na nagpapagalaw sa mga tao sa loob.

Paano tatakbo ang negosyo ng mall kung bawat sakay ng escalator at elevator ay magbabayad sila ng mas mahal na pamasahe?

Ibang klase ang ginawang pamana ng Aquino administration. Ibinigay ang LRT1 sa Manny Pangilinan-Ayala group na parehong concessionaires ngayon ng tubig ng MWSS na humingi rin ng dagdag-singil.

Hindi ako magtataka kung aabot ng P60 ang pasahe sa LRT1 at LRT at maging sa MRT sa susunod na lima hanggang 10 taon.

Read more...