ABAP gagamit ng ibang boxers sa SEAG

SA mas malawak na pananaw dapat tingnan ang desisyon ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) na gumamit ng ibang boksingero para ipanlaban sa 28th Southeast Asian Games sa Singapore sa Hunyo.

“Pagkakataon na dapat ito ng ibang boxers na maipakita ang kakayahan sa SEA Games. Kung hindi natin sila bibigyan ng pagkakataon, lagi na lamang silang second fiddle at hindi na makakapaglaro,” wika ni ABAP executive director Ed Picson.

Ang pahayag ay ginawa matapos umani ng di magandang pagtanggap ang sinabing hindi makakasama sa bubuuing pambansang delegasyon para sa SEA Games sina Olympian Mark Anthony Barriga at Charly Suarez.

Ito ay dahil ang dalawa ay maglalaro uli sa AIBA Professional Boxing na kung saan gagamitin ito ng international boxing federation bilang isa sa qualifying tournament para sa 2016 Rio de Janeiro Olympics.

Nakasama na sina Barriga, gold medalist sa Myanmar SEAG, at Suarez, silver medalist ng Incheon Asian Games, sa unang edisyon ng AIBA Pro Boxing at nakasaad sa alituntunin ng palaro na ang mga boksingerong kasali na ay hindi na puwedeng maglaro sa mga AIBA events na hindi World o Continental Championships.

Bunga nito ay sumulat ang ABAP sa AIBA para linawin ang bagay na ito. “Palaro ito ng AIBA kaya hinihingian namin sila ng pahayag kung puwede ba o hindi maglaro sina Barriga at Suarez sa SEA Games.

Kung puwede, titingnan natin, kung hindi, may mga pamalit naman tayo. Wala naman kasiguruhan sa boxing kaya’t lahat ng puwedeng ipadala ay may chance manalo,” wika pa ni Picson.

Read more...