GUMAWA si James Harden ng 25 puntos at siyam na assists para pamunuan ang Houston Rockets na tinambakan kahapon ang New York, 120-96, at pinalawig ang longest single-season losing streak ng Knicks sa 14 laro.
Tinalo rin ng Rockets ang Knicks sa ika-11 diretsong pagkakataon. Ang New York ay natalo rin sa 24 sa huling 25 laro para mahulog sa NBA-worst 5-34 kartada.
Si Trevor Ariza ay nag-ambag ng 18 puntos para sa Rockets, na umangat sa 4-4 sa kanilang huling walong laro. Hindi naman umabot si Harden sa kanyang NBA-leading average na 26.8 puntos dahil naglaro lamang siya ng 31 minuto bago tuluyang pinaupo sa sa ikaapat na yugto at ang Houston ay hawak ang 24 puntos na kalamangan.
Si Travis Wear ay umiskor ng season-high 21 puntos habang si Langston Galloway ay may 19 puntos para sa Knicks. Ang longest losing streak ng New York ay 20 laro sa loob ng dalawang seasons.
Ang Knicks ay natalo ng 12 diretsong laro sa pagtatapos ng 1984-85 season at nabigo sa unang walong laro ng 1985-86 season.
HORNETS 103, RAPTORS 95
Sa Toronto, umiskor si Gerald Henderson ng season-high 31 puntos habang si Kemba Walker ay nagdagdag ng 29 puntos para pangunahan ang Charlotte Hornets sa panalo sa Toronto Raptors tungo sa pagsungkit sa ikaapat na sunod na pagwawagi.
Si Walker ay nag-ambag din ng walong assists at pitong rebounds habang si Michael Kidd-Gilchrist ay may 10 puntos at 12 rebounds.
Pinamunuan ni Kyle Lowry ang Toronto sa kinamadang 24 puntos, pitong assists at pitong rebounds. Si Lou Williams ay may 15 puntos.
TRAIL BLAZERS 99, HEAT 83
Sa Portland, Oregon, nagtala si LaMarcus Aldridge ng 24 puntos at 12 rebounds para sa Portland Trail Blazers na gumamit ng matinding third-quarter run para ilampaso ang Miami Heat.
Kumana si Aldridge ng 10 puntos sa ikatlong yugto kung saan dinaig ng Blazers (28-8) ang Heat sa puntusan, 33-16, para makontrol ang takbo ng laro.