HINDI naman talaga underdogs ang Alaska Milk sa San Miguel Beer sa championship round ng PBA Philippine Cup.
Pakiramdam ko nga ay nagpapadehado lang ang Aces at parang iisa ang kanilang mindset nang makatapat nila ang Beermen sa Finals press conference na ginanap noong Lunes.
Lahat kasi ng Aces na dumalo sa presscon ay nagsabing umaasa sila na aabot hanggang Game Seven ang serye. Nagsidalo sina Calvin Abueva, Cyrus Baguio, Joaquim Thoss, JVee Casio at team captain Tony dela Cruz.
Kahit na si coach Alex Compton ay tila nagpaduda rin, e.
Aniya, “We’re hoping it goes Game Seven because that would mean we’re still in the fight.”
Kasi parang kaya raw ng San Miguel na ma-sweep ang Alaska. Tulad ng nangyari sa Talk ‘N Text na sorpresang winalis ng Beermen sa best-of-seven semifinal round.
Pero iba ang semis at iba ang Finals. Isang hakbang na lang at masisikwat na ang korona, e. Mahirap maka-sweep dito!
Ang tanong ay kung may karapatan ba ang Alaska Milk na matawag na underdog?
Dahil ba sa dumaan pa sa quarterfinals ang Aces ay underdogs na sila kontra sa Beermen na nakadiretso sa semis bunga ng pangyayaring naging topnotcher sa elims.
Alalahanin natin na isang panalo lang ang lamang ng San Miguel sa Alaska sa elims.
Hanggang sa huling dalawang linggo nga ng eliminations ay Number One team ang Alaska, e. Nalaglag lang sila sa number three dahil nakalasap sila ng magkasunod na kabiguan buhat sa Barangay Ginebra at Rain or Shine.
At hindi ba’t nang sila ay magkita sa elims ay dinaig ng Aces ang Beermen, 66-63.
So, ang Alaska Milk ang siyang may bentahe kontra San Miguel kung head-on match ang pag-uusapan.
Sa Game One ay lumamang agad ang San Miguel sa Alaska, 27-5, matapos ang first quarter at sa puntong iyon ay marami siguro ang nagsabing “Kitam! Talagang llamado ang Beermen!”
Subalit sa radio coverage ng laro kung saan nakasama ko si Chiqui Reyes ay sinabi ko na hindi porke’t malaki ang abante ng Beermen ay sigurado na silang mananalo. Ipinaalala ko ang Game Five ng semis kung saan lumamang din ng 19 puntos ang Rain or Shine sa Aces sa first half.
Pero ano ang nangyari?
Nanalo pa rin ang Alaska Milk, 93-88.
At sa Game One nga ay nanaig ang Aces, 88-82, para makauna.
Puwedeng tambakan ang Alaska Milk sa unang yugto ng laban subalit hanggang hindi tumutunog ang final buzzer ng laro, hindi sila titigil sa pagbalik.
Alam ni San Miguel Beer coach Leo Austria iyan.
Dalawang beses nang ginagawa ni Alaska Milk coach Alex Compton sa kanya iyan!