Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
7 p.m. San Miguel Beer vs Alaska Milk
(Game 2, best-of-7 finals)
NAIPAGPAG na ng Alaska Milk ang underdog tag at hangad nitong makapagposte ng 2-0 bentahe kontra San Miguel Beer sa kanilang pagkikita sa Game Two ng best-of-seven Finals ng PBA Philippine Cup mamayang alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Nakabalik ang Aces sa 22-puntos na abante ng Beermen upang magwagi sa overtime, 88-82, sa Game One noong Miyerkules.
“We had a bad start in the first quarter. Parang kami ‘yung galing sa mahabang layoff,” ani Alaska Milk coach Alex Compton patungkol sa pangyayaring nalimita ang Aces sa franchise-low na limang puntos sa first quarter.
Ang San Miguel Beer, na nakapagpahinga ng 11 araw matapos na mawalis ang Talk ‘N Text sa semifinals, ay umabante, 27-5, sa first quarter at animo’y magpoposte ng madaling panalo.
Subalit nagpamalas ng matinding depensa ang Aces sa loob ng tatlong quarters upang makabalik at muntik pang manalo sa regulation kung pumasok ang jumper ni JV Casio sa huling dalawang segundo.
Ang overtime ay pinasimulan nina Casio at Dondon Hontiveros sa pamamagitan ng back-to-back triples upang lumayo agad ang Aces.
Ang rally ng Alaska buhat sa 22-puntos na abante ng Beermen ay pinasimulan ng rookie na si Chris Banchero at Hontiveros. Gumawa ng anim na sunod na puntos si Banchero sa simula ng second quarter at nagtapos nang may career-high 16 puntos sa 7-of-10 field goals.
Si Hontiveros, na nagbida sa panalo ng Alaska Milk kontra Rain or Shine sa Game Six ng semis noong Linggo, ay nagtapos nang may 15 puntos.
“It’s the heart and effort of the guys that led to this win. I hope we come up with the same thing in Game Two,” dagdag ni Compton.
Pinangunahan ni Calvin Abueva ang Aces nang magtapos siya ng may double-double (22 puntos at 10 rebounds).
Ang reigning Most Valuable Player na si June Mar Fajardo ay gumawa rin ng double-double (14 puntos at 17 rebounds) subalit halos hindi nakahawak ng bola sa overtime.
Umaasa si San Miguel Beer coach Leo Austria na natuto na ang Beermen sa mga pagkatalo nila sa Aces. Magugunitang nabuweltahan din sila ng Alaska Milk na nagwagi, 66-63, sa elimination round.