Moralde sasabak sa WBF title fight

SASAGUPAIN ng tubong-Davao na si John Vincent “Mulawin” Moralde si Vladimir Tikhonov ng Russia para sa bakanteng World Boxing Federation (WBF) world super bantamweight title sa Pebrero 27 sa Malta.

Ang 12-round world title bout ay gaganapin sa Hilton Hotel sa Fortunasa, Malta ayon sa manager-promoter ni Moralde na si Jim Claude Manangquil ng Sanman Promotions.

Ang 5-foot-7 Moralde ay walang talo at may 11 diretsong panalo kabilang ang anim na knockouts. Ang 20-anyos na orthodox fighter ay galing sa unanimous decision panalo kay Jason Butar Butar ng Indonesia nitong nakaraang Oktubre 13 kung saan nakuha niya ang bakanteng WBF International super bantamweight crown sa labang ginawa sa Lagao Gym sa General Santos City.

Si Tikhonov ay wala ring talo at may 12 panalo kabilang ang anim na knockouts. Ang 5-foot-7 na Ruso ay magmumula naman sa panalo kay Isaac Quaye sa pamamagitan ng puntos sa kanilang

8-rounder bout na ginanap noong Disyembre 7 sa Titanic Hotel sa Liverpool, United Kingdom. Ang 24-anyos na southpaw ay pinatumba si Quaye sa ikatlo at ikaanim na rounds para itala ang kumbinsidong panalo.

Si Tikhonov ang magiging pinakamapanganib na katunggali ni Moralde magmula nang maging professional boxer siya noong Oktubre 2011.

Si Moralde, na dating top amateur boxer ng Davao City, ay galing din sa pagsungkit ng bakanteng Philippine Boxing Federation (PBF) super bantamweight title matapos na patumbahin si Ronerex Dalut sa ikalawang round noong nakaraang Hulyo 2 sa Bula Gym sa Gensan.

Read more...