Mga Laro Bukas
(Ynares Sports Arena)
12 n.n. Bread Story-LPU vs Wangs Basketball
2 p.m. Cebuana Lhuillier vs Café France
4 p.m. Cagayan Valley vs Tanduay Light
Team Standings: yHapee (9-0); yCagayan Valley (8-0); Café France (6-2); Jumbo Plastic (6-3); Cebuana Lhuillier (4-3); Tanduay Light (4-5); AMA (3-6); Wangs Basketball (2-5); MJM M-Builders (2-6); Bread Story (2-6); Racal Motors (2-7); MP Hotel (1-7)
y -semifinalists
INOKUPAHAN na ng mga walang talong koponan na Hapee at Cagayan Valley ang dalawang awtomatikong upuan sa semifinals nang magwagi pa sa pagbabalik-aksyon ng 2014-15 PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa JCSGO Gym sa Cubao, Quezon City.
Si Troy Rosario ay mayroong 20 puntos at walong rebounds habang ang pitong iba pang manlalaro ay naghatid ng hindi bababa sa tatlong puntos para sa balanseng pag-atake tungo sa 70-60 panalo sa Racal Motors Alibaba.
Mula sa 21-all matapos ang unang yugto ay nagtrabaho ang Fresh Fighters sa ikalawang yugto para hawakan ang 44-33 kalamangan. Mula rito ay hindi na binitiwan ng tropa ni Hapee coach Ronnie Magsanoc ang kalamangan para sa 9-0 baraha.
Siyam lamang ang naglaro sa Hapee dahil ang dalawang higanteng sina Ola Adeogun at Arnold Van Opstal ay nagbabakasyon pa sa Nigeria at Germany.
Umangat naman ang Rising Suns sa 8-0 baraha nang pabagsakin ang AMA University Titans, 89-78. Nag-init si Abel Gallinguez sa huling yugto nang ibagsak ang 11 sa kanyang 20 puntos sa yugto para maisantabi ang pananakot na ginawa ng Titans.
Lumamang ng hanggang 11 puntos ang Cagayan ngunit naghabol ang Titans at huling nakadikit sa tatlo, 65-68.Pero apat na sunod na buslo ang ginawa ni Gallinguez para tuluyang tapusin ang hininga ng Titans.
Tinapos naman ng Jumbo Plastic ang apat na sunod na panalo ng Tanduay Light Rhum Masters, 68-59, sa ikatlo at huling laro kahapon.
Ang panalo ay pang-anim matapos ang siyam na laro para sa Giants upang manatiling nasa ikaapat na puwesto at maging palaban sa mahalagang twice-to-beat advantage sa quarterfinals.