Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
5 p.m. Rain or Shine vs Alaska Milk
NAKAHANDANG tapusin na ng Alaska Milk ang Rain or Shine sa kanilang pagtutuos sa Game Six ng PBA Philippine Cup best-of-seven semifinals series mamayang alas-5 ng hapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Umabante ang Aces sa serye, 3-2, matapos na magwagi sa Game Five, 93-88, noong Disyembre 27. Kung muli silang mamamayani mamaya ay tuluyang makakaharap ng Aces ang San Mguel Beer sa best-of-seven championship round na mag-uumpisa sa Miyerkules.
Subalit ipinangako ni Rain or Shine coach Joseller “Yeng” Guiao na magkakaroon ng Game Seven sa araw na iyon.
Alaska Milk ay nagwagi sa Game One (87-80) at Game Three (94-78) samantalang ang Rain or Shine ay namayani sa Game Two (102-95) at Game Four (98-91).
Ang Alaska Milk, sa ilalim ni coach Alex Compton sa ikalawang sunod na conference, ay naghahangad na makapaghiganti sa Rain or Shine.
Kung magugunita, sa nakaraang Govenors’ Cup semis ay kinapos din ng isang panalo ang Aces upang makarating sa Finals. Nakalamang sila sa Elasto Painters, 2-1, sa best-of-five semis subalit natalo sa huling dalawang laro.
“We cannot afford to let our guard down against a team like Rain or Shine. We have learned a lot of things wen we are up against them. We need one more win and we have to work hard for that,” ani Compton.
Sa Game Five ay napuwersa ng Rain or Shine ang Alaska Milk sa 19 turnovers sa first half at nakalamang ng 19 puntos sa yugtong iyon.
Subalit tiniyaga ng Aces ang abanteng ito at nakabawi sa third quarter sa pagtutulungan nina Calvin Abueva at Cyrus Baguio.
Bukod sa dalawang ito ay umaasa rin si Compton kina JVee Casio, Sonny Thoss, Vic Manuel at mga beteranong sina Dondon Hontiveros at Eric Menk.
Hinahanapan pa rin ni Guiao ng consistency sina Gabe Norwood, Jeff Chan, Paul Lee, Ryan Araña, Beau Belga at JR Quinahan.