KINAMADA ni Derrick Rose ang 13 sa kanyang 17 puntos sa ikaapat na yugto para tulungan ang Chicago Bulls na talunin ang Denver Nuggets, 106-101, kahapon at mapanatili ang kapit sa Central division.
Si Jimmy Butler ay gumawa ng 26 puntos para sa Chicago habang si Pau Gasol ay nagdagdag ng 17 puntos, siyam na rebounds at career-high siyam na blocks para sa Bulls na pinalawig ang divisional lead kontra Cleveland sa 4½ games.
Ang pagratsada ni Rose ang naghatid sa Bulls sa ika-11 panalo sa 13 laro. Ang 2011 NBA MVP ay sumablay sa kanyang unang walong tira kabilang ang pito sa isang scoreless first half, subalit nagawang magdomina ng point guard sa krusyal na bahagi ng laro kung saan nagbuslo siya ng mga mahahalagang tira.
Pinangunahan ni Wilson Chandler ang Denver sa ginawang 22 puntos. Si Ty Lawson ay umiskor ng 20 puntos habang si Arron Afflalo ay nag-ambag ng 19 puntos.
Si Kenneth Faried ay nagdagdag ng 18 puntos at 19 rebounds para sa Nuggets na nahulog sa 4-12 karta sa road. Ang Chicago, na naghabol sa 13 puntos sa ikatlong yugto, ay tangan ang 100-97 kalamangan matapos makaiskor ang Denver mula sa layup ni Jusuf Nurkic may 46 segundo ang nalalabi sa laro.
Tumira si Rose ng jumper upang ilayo ang Bulls matapos makaiskor si Faried mula sa isang dunk may 22 segundo ang natitira para makadikit ang Nuggets sa tatlong puntos.
Naghulog si Aaron Brooks ng dalawang free throws para palawigin ang kalamangan ng Chicago sa limang puntos bago nagbuslo si Nurkic ng dalawa ring free throws matapos na ma-foul sa kanyang dunk attempt ni Taj Gibson may 11 segundo ang nalalabi sa laban.
Sinagot naman ito Rose ng dalawang foul shots para umangat ang bentahe ng Chicago sa 106-101. Naghahabol ang Bulls sa 74-70 sa huling bahagi ng ikatlong yugto nang masupalpal ni Gasol si Nurkic.
Rumatsada naman ang Bulls ng isang nine-point run matapos na ma-foul at magbuslo ng dalawang free throws si Butler.
Tumira si Kirk Hinrich ng isang tres mula sa corner may 16 segundo ang natitira para ibigay sa Bulls ang tatlong puntos na kalamangan bago isinara ni Gasol ang kanilang ratsada sa pamamagitan ng running hook para sa 79-74 kalamangan.
Kings 110, Timberwolves 107
Sa Minneapolis, nagtala si Rudy Gay ng 21 puntos, anim na rebounds at limang assists para sa Sacramento Kings na pinatikim ang Minnesota Timberwolves ng kanilang ika-10 diretsong pagkatalo.
Si DeMarcus Cousins ay gumawa ng 19 puntos at pitong rebounds para sa Kings na tumira ng 54 porsiyento at ang lahat ng starters ay umiskor ng double figures.
Si Darren Collison ay kumana ng 21 puntos habang nag-ambag si Derrick Williams ng 17 puntos, kabilang ang isang krusyal na
3-pointer sa huling bahagi ng laro.
Si Andrew Wiggins ay nagtala ng 27 puntos at siyam na rebounds para sa Timberwolves na hindi nagawang samantalahin ang pagkawala nina Cousins at Gay matapos na mag-foul out ang mga ito sa ikaapat na yugto.
Ang 3-point attempt ni Troy Daniels sa pagtunog ng buzzer ay nasupalpal naman. Si Gorgui Dieng ay nagdagdag ng 15 puntos at 10 rebounds para sa Minnesota.
Samantala, inaasahang mawawala si Cleveland Cavaliers superstar LeBron James ng dalawang linggo bunga ng mga injury sa kanyang kaliwang tuhod at likod.
Sinabi ng Cavaliers kahapon na si James ay may knee at back strains.