WINNINGEST coach at ikalawang Grand Slam sa Philippine Basketball Association (PBA).
Ito ang nakamit ni Tim Cone sa taong 2014 matapos na pangunahan ang San Mig Coffee Mixers (Purefoods Star Hotshots na ngayon) sa tatlong magkakasunod na titulo sa nakalipas na PBA Season 39.
Kilala bilang pangunahing head coach na gumagamit ng triple-post offense o triangle offense, nalampasan ni Cone si Virgilio “Baby” Dalupan para sa pinakamaraming titulo sa PBA nang makuha niya ang kanyang ika-16 korona matapos gabayan ang Mixers sa ika-11 nitong titulo sa pro league sa 2013-14 PBA Philippine Cup finals.
Tinalo ng San Mig Coffee, sa pangunguna ni Finals Most Valuable Player Mark Barroca, ang Rain or Shine Elasto Painters sa all-Filipino conference title series, 4-2.
Sinundan ito ng pagwawagi ng San Mig Coffee kontra Talk ’N Text Tropang Texters sa 2014 PBA Commissioner’s Cup best-of-five championship series, 3-1, kung saan sinungkit din ng Mixers, sa pamumuno nina Finals MVP James Yap at import James Mays, ang kanilang ikatlong sunod na korona (kabilang ang 2013 PBA Governors’ Cup).
Ito naman ang naging ika-17 kampeonato para kay Cone. Kinubra ni Cone ang kanyang ika-18 titulo sa PBA at gumawa pa siya ng kasaysayan nang maging kauna-unahang head coach na nakakuha ng dalawang Grand Slam matapos na ihatid ang San Mig Coffee sa ikatlong diretsong titulo sa PBA Season 39.
Dinaig ng Mixers, sa pangunguna nina Finals MVP James Yap at import Marqus Blakely, ang Elasto Painters sa best-of-five finals ng 2014 PBA Governors’ Cup, 3-2.
Bunga ng pagwawagi, ang San Mig Coffee ay naging ikaapat na koponan na naging PBA Grand Slam champion matapos ang two-time winner Crispa Redmanizers, San Miguel Beermen at Alaska Milkmen.
Ang kampeonato ng 2014 PBA Governors’ Cup ay naging ikaapat na sunod na korona rin ng Mixers at ikalawang Grand Slam ito sa prangkisa ng San Miguel Corporation.
Kaya naman hindi na naging kataka-taka na si Cone ang nahirang bilang Coach of the Year ng PBA Press Corps matapos ang Season 39. Ito naman ang ikatlong pagkakataon na napiling Coach of the Year si Cone matapos na mapili rin noong taong 1994 at 1996 (ang taon na nakuha ni Cone ang kanyang unang Grand Slam sa PBA).
Hindi natin alam kung ilang korona at karangalan pa ang makakamit ni Cone sa PBA pero isa lang ang sigurado at ito ay naukit na niya ang kanyang pangalan sa kasaysayan ng Philippine basketball.