Ni katiting na pag-asa ay walang-wala sa isip ni Derek Ramsay na siya ang mananalong best actor ng MMFF. Kahit minsan lang ay hindi pumasok sa kanyang isip na siya ang tatanghaling pinakamagaling na aktor ng taunang pestibal.
Romantic-comedy ang kanilang pelikula ni Jennylyn Mercado, kumbaga ay wala naman silang gaanong mabigat na eksenang puwedeng maipanglaban sa iba pang mga pelikula, pero pareho silang sinuwerte ng aktres.
Ito ang unang major award na tinanggap ni Derek, humabol ang parangal na ito sa pagtatapos ng 2014 na ayon sa marami ay hindi niya taon dahil sa mga problemang nakaengkuwentro niya, kaya ganu’n na lang ang kanyang kaligayahan.
Parang ito ang naging premyo niya sa mga iskandalong nambulabog sa kanyang personal na buhay sa taong ito, bago matapos ang taon ay pinasaya pa siya, kaya may pakonsuwelo pa rin si Derek bago mamaalam ang 2014.
Pero maraming kaibigan namin ang nakapanood ng “English Only, Please” nu’ng ikalawang araw nito sa mga sinehan ang nagkuwento sa amin na feel-good ang kanilang pelikula, ang gagaling daw nina Derek at Jennylyn, wish din ng mga ito na sila ang manalo na nangyari naman.
“Magaling si Jennylyn sa mga kikay scenes niya, nakakaaliw sila ni Derek, lumabas kami ng sinehan na ang feeling namin, e, hindi kami nadaya, tubo pa kami sa ipinangbayad namin,” pagtatapat ng isang kaibigan namin.