HINDI ako naniniwalang masyadong maaga para pag-usapan ang 2016 elections. Huwag na nating ikaila na roon naman nakatutok ang mga pumupustura, kaya dapat ang sambayanan ay ganoon din dahil sila ang hahatol.
Why talk about the election of 2016 now? The answer is simple: Because we need to be involved. The accountability we demand from the elected officials in government begins with our involvement not only on Election Day but months leading to it. Hindi lang basta involvement ang kailangan, kundi mas malalim at mas pang matagalang pakikilahok. Isang inspirasyon ng paksa ng kolum ngayon ang pakikipagkuwentuhan ko sa isang opisyal ng Philippine Marines na nasa active service pa. Hindi na natin siya papangalanan.
Ang sabi ng kaibigan kong colonel: “Arlyn, bakit ganoon, parang wala ng ibang pagpipilian ang bansa natin bilang pangulo?”
Alam ko ang punto niya pero tanong ko sa kanya: “Ano ang ibig mong sabihin na walang pagpipilian?”
“Sila-sila rin, kilala na natin sila. Alam natin na corrupt din at pawang sariling kapakanan ang nasa isip. Wala pa akong nakitang pulitiko na yung mamamayan at kinabukasan talaga ng bansa ang nasa isip at puso.”
Ang bigat pakinggan ano? Parang wala na talagang pag-asa ang bansa natin na makasumpong ng tunay na lider. Kawawa naman tayo.
Ganito rin ba ang pakiramdam ninyo? Wala ba talaga tayong pagpipilian?
Mananatiling ganyan at mas marami ang magiging ganito ang pakiramdam kung walang pakikialam na gagawin ang sambayanan sa kung sino ba talaga ang dapat mamuno sa atin.
Kaya dapat na maging maingay tayo. Maingay sa puntong kailangan nating sabihin kung ano ang nais nating gawin ng susunod na pangulo. Huwag na nating pakahabaan pa ang criteria o qualities na gusto natin sa pangulo.
Gawin nating simple: May pagmamahal at malasakit sa Pilipinas at sa mga mamamayan. Ang dalawang qualities na ito lang meron ang susunod na pangulo, quota na tayo!
Everything follows. Love of country is love of countrymen.
Ang tanong, sino?
Sino ang walang personal agenda? Mahirap na sagutin yan dahil ang maghangad na mamuno ay may kakambal na personal agenda.
Hindi problema kung ang personal agenda ay may kinalaman sa kagalingan ng pangalang taglay dahil maaaring ito ay mauwi sa tunay na kagalingan sa pamumuno.
Pumuporma na ang mga may ambisyon. Hayaan lang natin sila. Ngunit kasabay nito ay isatinig natin ang ating nais na gawin at maging katangian ng susunod na pangulo at iba pang halal na opisyal ng bayan.
Makialam tayo ngayon pa lamang. Ngayon, bago ang eleksiyon, higit na may lakas ang tinig ng may malasakit na mamamayang tunay na nagmamahal sa kanyang bayan.