Di na natuto

HUWAG na raw magsisihan dahil nariyan na yan, mahigit 70 buhay ang nawala pagkatapos ng 12 oras na malakas na buhos ng ulan, pero di ba’t di na tayo natuto mula sa aral ng nakalipas? O bale wala ang aral ng nakalipas hangga’t di mismo tayo ang biktima ng pagbabalik ng pananalasa ng bagyo’t delubyo?
Sa gabing pulong sa Camp Aguinaldo, igniit ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration na di sila nagkulang sa babala sa publiko 48 oras bago tumuntong sa lupa si Ondoy; at 24 oras bago ang pananalasa sa Casiguran, Quezon, kasama sa babala ay ang maaaring pagtama o matinding pananalasa ng bago sa Metro Manila.
Pero, sino ba ang nakikinig at nagbabasa sa mga weather bulletins ng Pagasa?  Maaaring reporters na lang ang sumusubaybay dito, at di ang taumbayan.  Kung bubuksan ang https://www.pagasa.dost.gov.ph, nakasaad ang weather, na binabago tuwing anim na oras, at tuwing 15 minuto kapag may bagyo na; ang panahon sa Metro Manila at ngalit ng dagat Manila Bay; ang tropical cyclone update, ang gale warning o bugso ng hangin (wala na yatang nakaiintindi ng gale warning); at higit sa lahat, ang flood forecasts at dam status.
Kung isisiksik lamang sa utak ang nilalaman nito, makapaghahanda na ang sinoman sa magaganap, dahil nakasaad mismo rito ang babala hinggil sa posibleng landslides at baha/.
Kung babalikan lamang ang nakaraan, nakatala ang mga namatay nang dahil sa baha (at iba pang bagay) sa Provident Village sa Marikina.  Hindi lang noong Sabado nangyari na ang mga tao rito ay nasa bubong na ng bahay; di lang minsan na nagkaroon ng landslides sa Antipolo City at San Mateo, Rizal; di lang noong Sabado lumubog ang Cainta, Rizal at Pasig.
Sa tuwing bumubuhos ang ulan ay lumulubog ng hanggang baywang, o lampas tao, ang kalye Maceda (Washington), Espana, Laong-Laan at Dimasalang, pero walang namamatay.  Dahil handa na ang mga taga-rito kapag bumabaha.
Naghanda ba sa mangyayari ang taumbayan nang magbabala ang Pagasa noong Biyernes? O binale-wala na naman ang babala ng Pagasa dahil puwedeng gumimik noong Biyernes at walang pasok naman ang Sabado?

Ilan sa mga nasa bubong ng bahay sa Marikina’t Cainta ay naroon dahil dinalaw ang barkada at di nakinig sa babala ng Pagasa hinggil sa “malawak na kaulapan, na nagbabadya ng malakas na buhos ng ulan.”
Bakit walang naniniwala sa pananakot ni MMDA Chairman Bayani Fernando na ang patuloy na paninirahan sa gilid ng mga sapa’t estero ay nalalapit sa sementeryo?
At kapag naging biktima na ay sisisihin pa ang gobyerno.  Di ba’t maraming nababasa sa ulan dahil hindi nagdadala ng payong, gayung alam naman nilang tag-ulan ngayon?

BANDERA Editorial. 092809

Read more...