Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
7 p.m. San Miguel Beer vs Talk ‘N Text
ISANG matinding Christmas celebration ang hangad na magawa ng San Miguel Beer sa pamamagitan ng pagkumpleto ng sweep kontra Talk ‘N Text na kanilang pagtatagpo ngayon sa Game Four ng best-of-seven PBA Philippine Cup semifinals mamayang alas-7 ng gabi sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Naungusan ng Beermen ang Tropang Texters, 96-95, sa Game Three noong Martes upang magposte ng 3-0 bentahe sa serye. Napanalunan din ng Beermen ang Game One (109-86) at Game Two (87-81).
Kung mamamayani muli ang Beermen ay makakamtan na nila ang unang Finals berth at hihintayin na lang nila ang magwawagi sa serye sa pagitan ng Alaska Milk at Rain or Shine.
Hindi inalintana ni Arwind Santos ang foul trouble at nagbida para sa Beermen nang magpasok siya ng isang three-point shot para sa 95-91 bentahe sa huling 1:34 ng laro.
Nakatabla pa rin ang Talk ‘N Text at ito ay binasag ni Alex Cabagnot sa pamamagitan ng split free throws.
May pag-asa sana ang Tropang Texters na magwagi subalit dumepensa ng maganda si Santos kontra Ranidel de Ocampo na napuwersa sa isang fadeaway jumper at nagmintis kasabay ng final buzzer.
Inamin ni San Miguel Beer coach Leovino Austria na ang serye ay nagiging masyadong pisikal at emosyonal at napapasama pa ang mga opisyales na nagpaparatang sa isa’t isa hinggil sa maruming plays at intimidasyon ng referees.
“We should not be affected by all that. Hindi pa tapos ito. We still have to win one more game,” ani Austria na humalili kay Melchor Ravanes bilang coach ng Beermen bago nag-umpisa ang season.
Sa Game Three nakita ang pinakamagandang paglalaro ng Tropang Texters sa serye. Doon ay nakalamang sila ng anim na puntos sa halftime, 55-49, subalit muling nabigo.
Muli ay maraming free throws na naimintis ang Talk ‘N Text nang hindi pumasok ang 14 nilang tira. Sa Game Two ay nagmintis sila ng 12 free throws.
Si Santos, na nagtamo ng ikalimang foul sa umpisa ng fourth quarter ay gumawa ng walo sa kanyang game-high 23 puntos sa huling yugto.
Sa ikatlong pagkakataon sa 14 games, hindi nakakumpleto ng double-double si June Mar Fajardo na nagtala ng 18 puntos at siyam na rebounds. Nakakuha sina Fajardo at Santos ng magandang suporta buhat kina Marcio Lassiter na gumawa ng 17 puntos at Rico Maierhofer na gumawa ng 10 puntos.
Pinangunahan ni De Ocampo ang Talk ‘N Text nang magtala siya ng 21 puntos. Nagdagdag ng 15 si Jason Castro.
Tatlong iba pang Tropang Texters ang nagtapos nang may double figures sa scoring at ito’y sina Jay Washington (12), Jimmy Alapag (11) at Ryan Reyes (10).
Sa kasaysayan ng PBA, wala pang koponan na nakabalik sa 3-0 abante ng kalaban sa best-of-seven serye.
Samantala, masayang Pasko ang ipinagdiwang ng Rain or Shine kahapon matapos patumbahin ang Alaska Milk, 98-91, at itabla ang kanilang semis series sa 2-2 sa larong ginanap sa MOA Arena.
Gumawa si Jeff Chan ng 25 puntos para pamunuan ang Elasto Painters.