Salamat may Pasko

HINDI ko na naman nabuo ang Simbang Gabi. Nakalima lang ako imbes na siyam.

Pero okay na rin siguro iyon dahil lampas kalahati naman, e.

Ang maganda nito’y nabuo ng misis kong si Shirley ang siyam na araw na debosyon kasama ng kapatid niyang si Ate Lydia, pamangkin na si Innah at Lexie, panganay kong si Illuminada at apo kong si Wolfgang Zachary.

At noong bisperas ng Pasko ay buong-buo kaming lahat — ako, ang aking maybahay, ang apat naming anak na sina Illuminada kasama ng asawang si Patrick at apong si Zach, Sabrina kasama ang asawang si Kirk at apong si Xavier Benedict, Lucas at Elizah.

Sama-sama kaming lahat sa isang misa sa Sacred Heart of Jesus Parish Church sa Kamuning.

Wala pang alas-8 ng gabi ay naroon na kami para makaupo nang maayos kahit na alas-9 ng gabi pa ang umpisa ng misa na isinelebra ni Fr. Jerome Marquez.

Bukod sa masayang-masaya ako dahil sa kumpleto ang aking pamilya, kakaiba talaga ang aking naramdaman sa gabing iyon. Iba sa mga misa sa nagdaang bisperas ng Pasko.

Iba siguro dahil sa may sense of anticipation ako mula pa sa umaga kung kailan alam kong lahat kami ay sabay-sabay magsisimba. Mula sa pagbili ng mga ihahanda sa noche buena ay tulung-tulong ang lahat.

Halos hindi kami napagod sa pagluluto mula umaga hanggang sa dapit hapon. At nakadagdag pa sa saya namin ang pangyayaring mayroon din kaming binitbit para ibahagi sa salu-salo para sa mga kabarangay na kapus-palad sa katapusan ng misa.

Iba pala ang nararamdaman mo kapag ganoon ang ginagawa mo. Randam na ramdam mo ang pagkakaisa ng lahat ng nasa loob at paligid ng simbahan. Ramdam na ramdam naming lahat ang tema ng pagdiriwang ng aming parokya: “Salamat May Pasko!”

Parang idinadalangin ng lahat na sana araw-araw ay ganoon ang aming mararamdaman.

Hindi lang tuwing Pasko.

Pero alam naman nating hindi puwedeng araw-araw ay ganoon. Kaya okay lang. At least, may isang araw sa isang taon na ang lahat ay tiyak na magkakaisa at makakaramdam ng kapayapaan.

Pagkatapos ng misang iyon ay balik na naman sa realidad. Balik na naman sa trabaho. Balik na naman sa pakikibaka sa buhay.

Kahit paano nga’y natatawa ako. Kasi, sa solemnidad ng diwa ng Pasko, aba’y medyo may kaldagan at patutsadahan sa daigdig na aking ginagalawan — ang sport, partikular ang basketball.

Kasi nga’y nasa semifinals na ang PBA Philippine Cup at patuloy ang bakbakan ng apat na koponang nakarating sa yugtong ito.

Aba’y mas pisikal ang laro sa semis at mas maraming patutsadahang kaliwa’t kanan ang nangyayari. Para bang isinasaisang-tabi muna nila ang diwa ng Pasko kapag nasa hardcourt na sila.

Iba talaga, ano po.

Well, siguro naman ay naiiwan naman sa hardcourt ang anumang masagwang nangyayari sa laro. At sa pagtunog ng final buzzer, bati-bati ulit ang lahat.

Merry Christmas sa inyong lahat!

Read more...