ANG mahihirap ay itataas at ang mayayaman ay uuwing walang-wala. Ang mga makapangyarihan ay patatalsikin sa kanilang trono at ang mga bale-wala ay itatampok. Ang mga gutom ay mabubusog at ang mayayaman ay itataboy nang walang-wala. Ito ang awit ni Maria sa Panginoon, na inihayag sa ika-apat na linggo ng Adbiyento, ilang araw bago ang pagsilang ni Jesus.
Sa panahon din ng ikaapat na linggo ng Adbiyento, ilang araw bago ang pagsilang ni Jesus, binanatan nang harapan hanggang sa mabugbog ang Curia, ang burokrasya ng Vatican, na kinabibilangan ng mga piling kardinal, obispo’t mga pari, na itinutiring na malalapit sa kusina.
Nang magbitiw si Pope Benedict XVI pagkatapos ibandera ang mga anomalya sa Vatican noong 2013, hindi akalain ni Jorge Mario Bergoglio na siya ang susunod na Santo Papa gayong nagtungo lang siya sa Roma para sumali sa paghalal ng bagong Papa. At nang iniluklok sa pinakamalinis na halalan, ang unang binigkas ni Pope Francis ay ipagdasal natin siya.
Iyon pala, babaliin niya ang lahat ng sungay sa Vatican, pati na ang naglalakihang mga bonus ng mga kardinal, obispo’t pari. At ngayon ay gawing mistulang bale-wala ang mga kasapi ng Curia.
Pero, bago naganap ang haplit ng latigo ni Pope Francis sa piling mga miyembro ng Curia sa marmolisadong Sala Clementina, ay matagal nang bahagi ng taun-taon na Ebanghelyo ang Awit ni Maria.
Sa natatanging bahagi at panahon ng taon, ang mga nasa poder ay pinatatalsik sa trono. Kundi man sila mapatalsik, muna, sa trono, ay ginagawa silang kahiya-hiya (Whom the gods wish to detroy, they make them mad first…), tulad ng pagdedeklara ng Korte Suprema na hayagang lumabag sa Saligang Batas ang Ikalawang Aquino, ang butihing anak niya Ninoy at Cory.
Ang bale-wala ay itatampok, anang Awit ni Maria, at ito ang pakiramdam ng kampo ni Jejomar Binay nang di mapasusubaliang ilabas ang resulta kuno ng survey na si Nognog pa rin ang nangungunang pili bilang susunod na lider, sa kabila ng sinimulan ng bilyonaryong mga negosyante ang pagkokondisyon sa isipan sa Makati na si Mar Roxas na ang mananalo.
Si Mar Roxas ang mananalo? Aba’y dinudusta at inaalipusta ng mga taga-Samar at Leyte si Roxas dahil wala pa rin silang natatanggap na tulong pagkatapos sumemplang sa motorsiklo ang binasbasan ni BS Aquino makaraang rumagasa ang bagyong Ruby.
Kung hilahud na sa burak ng kaapihan ang mahihirap sa Samar at Leyte, ito rin ang magaganap sa mahihirap sa Metro Manila sa Enero, pagkatapos itaas ang singil sa pasahe sa MRT at LRT, na kinatigan at higit na ipinagtanggol ni Aquino. Pero, sa kabila ng galit at reklamo ng mga pasahero ng mataas na daang bakal, tengang kawali si Aquino rito.
Pagkatapos ng mahigit apat na taon sa panunungkulan, pinabayaan, at sinlinaw iyan sa bukal sa Tayabas, Quezon, ang mga pasahero ng daang bakal sa EDSA at Taft-Rizal ave. Dahil ang inuna ay ang paghihiganti.
Matindi, napakatindi, ang paghihiganti kay Gloria Arroyo, at ginamit nga si Leila de Lima sa pagngungudngod kay Arroyo sa unang ratsada ng haplit ng latigo. Pero, biglang binigyan ng bakasyon sa Pasko si GMA, para hindi naman kahiya-hiya sa bibisitang Papa Francisco, o Papa Kiko.
Wala sa pangunahing pakay ni Pope Francis si P-Noy, at iyan ay labis na ikinabahala at ikinalungkot ng paliit na sirkulo sa Malacanang dahil nalalapit na nga ang pagbabay ng may akda ng Matuwid na Daan (teka, bihira na niyang sambitin ito ngayon). Kaya naman, nakaisip sila ng eksena na bibigyan ang Santo Papa ng listahan o krokis ni PNoy para makatulong at makatugon sa pangangailangan ng mahihirap.
Ang epal talaga, kahit kailan, ay eepal. Sisingit sa singit ang ibig sumingit kahit mahirap sumingit. Ang tawag diyan noon ay TH (trying hard).
Teka. Pero, wala pang balita kung paano makasisingit si Mar Roxas para umeksena sa mga itenary ni Pope Francis. Pero, tiyak na makaeeksena ang isa sa malalapit sa kanya, na wala namang nagawa para ipanalo siya bilang bise presidente.
Ito na kaya ang binabanggit sa Awit ni Maria na itataboy ang mayayaman ng mga walang-wala, tulad ng napiling pamilya na haharap sa Santo Papa, na mas mahirap pa kesa sa pinakamahirap na naninirahan sa ilalim ng tarpolina na ginawang tolda sa Phase 8-A, Bagong Silang, Caloocan City? Mismong si Mayor Oscar Malapitan ay nagulat na meron palang “daga” sa kanyang panunungkulan, na isinususog at isinisigaw ang “Tao ang UNA.”
Pagmasdan ang “Awa at Habag” (Mercy and Compassion) na tema sa pagdalaw ni Pope Francis. Matagal na nanungkulan si Enrico Echiverri sa Caloocan, hanggang sa manungkulan si Malapitan. Hindi nakatanggap ang “dagang” pamilyang ito ng awa at habag sa gobyerno.
Pinagnakawan na nga ay kinalimutan pa sila. At isang Santo Papa lamang na madalas sa kasukalan ng iskwater at mga pokpok sa Buenos Aires ang nagka-interes na makasama ang mga “dagang” ito.
Kailanman ay hindi tumuntong si Benigno Simeon Aquino sa Phase 8-A, Bagong Silang, Caloocan City. Pero, nangampanya si Corazon Aquino sa Bagong Silang nang labanan niya sa halalan si Ferdinand Marcos.
MULA sa bayan (0906-5709843): Merry Christmas na lang sa DSWD, Mar Roxas at Peng Lacson. Hindi dumating ang sinasabi ninyong tulong dito sa Taft, Samar. …5699