NAPANATILI ng Hapee at Cagayan Valley ang malinis na karta bago magwakas ang taon nang nanalo sa mga nakatunggali sa PBA D-League Aspirants’ Cup kahapon sa Marikina Sports Complex, Marikina City.
Si Bobby Ray Parks Jr. ay may 18 puntos at anim rito ay ginawa sa ikatlong yugto para bigyan ng double-digit kalamangan ang Fresh Fighters tungo sa 84-63 panalo sa MP Hotel Warriors.
May 12 puntos, 14 rebounds at 5 blocks si Ola Adeogun habang sina Arthur dela Cruz at Chris Newsome ay naghatid pa ng 12 at 10 para sa Hapee na kinuha ang ikawalong sunod na panalo.
“Hindi kami nakapagdepensa sa gusto namin kaya dikit ang first half. I think MP played their best game today,” wika ni Hapee coach Ronnie Magsanoc.
Nakabangon naman ang Rising Suns sa pagkawala ng 21 puntos kalamangan nang nabalik ang tikas ng laro sa overtime para sa 95-89 panalo sa Racal Motors tungo sa 7-0 karta.