MAHIGPITAN ang aksyon sa sixth Le Tour de Filipinas dahil sa pagsali ng dalawang national teams at 13 continental teams na kakarera mula Pebrero 1 hanggang 4.
Ang pambansang koponan at ang Uzbekistan national team ay sasali para gamitin ang kompetisyong inorganisa ng Ube Media sa pangunguna ni Donna Lina-Flavier sa Asian Road and Track Championship sa Pebrero at sa Southeast Asian Games sa Singapore sa Mayo.
Mangunguna sa hanay ng mga continental teams ay ang 7-Eleven na makikipagbakbakan sa mga magbabalik na koponan na Satalyst Giant Racing Team (Australia), CCN Cycling Team (Brunei), Astana Continental Team (Kazakhstan), Pegasus Continental Cycling Team (Indonesia), TPT Cycling Team (Iran), Terengganu Cycling Team (Malaysia) at Bridgestone Anchor Cycling Team (Japan).
Ang mga baguhan sa karerang may basbas ng UCI at PhilCycling ay ang Team Novo Nordisk (USA), RTS Carbon (Taiwan), Attaque Team Gusto (Taiwan), Pishgaman Yazd Pro Cycling Team (Iran) at Singha Infinite Cycling Team (Thailand).
“With 13 cotinental and two national squads, the 2014 Le Tour will definitely be the most exciting,” wika ni Lina-Flavier. “Unlike in the past editions when club teams joined the race, this time, the Le Tour has made its name as one of the most competitive in Asia.”
Ang continental teams ay may basbas ng UCI at kumakarera para makakuha ng puntos na magagamit sa planong pagsali sa malalaking kompetisyon tulad ng World Championships, World Cup at Olympics.
Magsisimula ang padyakan sa pamamagitan ng 126-kilometer Balanga-Balanga sa Bataan sa Pebrero 1.