BAWIIN ang Bilibid sa mga drug lords, utos ni Pangulong Noy kay Justice Secretary Leila de Lima.
Ang utos ng Pangulo ay ginawa matapos madiskubre ang mga baril, droga, malaking pera, mamahaling appliances at jacuzzi sa New Bilibid Prisons (NBP) sa raid na isinagawa ni De Lima sa loob ng maximum security compound kung saan nakakulong ang mga convicted drug lords.
Bumalik si De Lima sa NBP noong Biyernes, kasama ang mga armadong ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) at kanyang mga bodyguards upang tingnan kung sinira na ang mga kubol ng mga drug lords.
Satisfied naman daw siya sa nakita niyang pagsira ng mga kubol ng mga “Very Important Prisoners.”
Wala nang nakitang mamahaling gamit at pera sa pangalawang raid ni De Lima.
Pustahan tayo, kapag lumamig na ang balita ay babalik ang mga kubol ng convicted drug lords.
Malaking posibilidad na dating gawi ang mangyayari sa NBP kung saan binibigyan ng royal treatment ang mga convicted drug lords.
Babalik ang kanilang pamamalakad sa kani-kanilang mga sindikato sa labas dahil may binibigay silang pera sa mga opisyal ng NBP at maging sa Bureau of Corrections o BuCor.
***
Ang bali-balita na nakalap ng inyong lingkod ng mga taga loob ng NBP, P14 milyon ang binibigay ng mga drug lords buwan-buwan.
Ito ang breakdown kung saan napupunta ang P14 million:
P5 milyon sa isang opisyal sa BuCor.
P5 milyon napupunta sa isang mataas na opisyal sa Department of Justice na binabahagian naman ang dating asawa ng isang justice department official.
P4 milyon ang napupunta sa mga opisyal at guwardiya ng NBP.
Dapat siguro ay imbestigahan ni De Lima ang nabanggit na bali-balita.
Masyadong persistent ang pagkalat ng balita na hindi ito dapat ipagwalangbahala.
May kasabihan na kung may usok ay may apoy.
Baka totoo ang nakalap kong balita.
***
Ngayon, bumalik tayo sa sinabi ni PNoy na bawiin ang Bilibid sa mga drug lords.
Bakit kailangang sabihin pa ng Pangulo yan?
Parang inamin na niya na naghahari ang mga convicted drug lords sa NBP at walang magawa ang mga guwardiya at opisyal ng BuCor at NBP.
Kung gayon, bakit nangyari ang ganoong sistema, ang paghahari ng mga convicted drug lords sa NBP?
Ibig sabihin niyan ay inutil si BuCor Director Franklin Bucayu.
Noong panahon ni Vicente Vinarao bilang BuCor director, mahirap makapasok ang droga sa loob ng NBP, kung meron man.
Lalo na ang mga mamahaling appliances, baril at jacuzzi na pawang malalaki at lantad ang pagpasok.
Hindi malagyan si Vinarao ng mga convicted drug lords.
***
Sinabi ng actor na si Robin Padilla sa isang panayam sa TV na madaling nakakapasok ang droga sa maximum security compound noong siya’y nakakulong sa Bilibid.
Sinabi ni Padilla na siya’y nakakulong sa maximum security.
Pinabulaanan at pinagtawanan ni Vinarao ang tinurang yun ni Robin.
“Paano niyang sasabihin na siya’y nakakulong sa maximum security samantalang nasa medium security compound siya sa labas ng NBP central?” sabi ni Vinarao.
Nagpapasikat daw itong si Robin upang mapansin siya ng kanyang mga fans.
Si Robin, ani Vinarao, ay hindi naman sinentensiyahan ng life imprisonment kaya’t siya’y nilagay sa medium security.
Ang mga hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang kinukulong sa maximum security compound.
Si Robin ay nakulong ng illegal possession of firearms.