ANG buhay ay parang pelikula – nadinig na natin yan, alam natin yan. Ito ang nagsilbing patungan ko ng paggawa ng aking unang pelikula. Ang sabi ko, kung gagawa ako ng pelikula, kung magsisimula rin lang ako ay iyong tungkol na sa katotohanan ng buhay na alam ko, nakita ko, napatunayan ko, naranasan ko, at napagdaanan ko.
Hindi tungkol sa akin ang una kong pelikula. Ito ay tungkol sa mga mamamayan at mga lugar na ilang taon ko ring pinuntahan at sinuong bilang mamamahayag. Inilagay ko ang samu’t saring kuwentong ito sa isang lugar na tinawag kong Maratabat. Kung inaakala ng mga nakapanood na alam nila ang kuwentong ito , yan ay dahil sa marami ang tulad ng Maratabat sa ating lipunan.
Ang clan war na tema ng Maratabat ay hindi lamang sa Southern Philippines o sa Muslim Mindanao nangyayari. Ito ang mukha ng pulitika natin, huwag na nating ipag-imbot o itanggi pa. Kaya lamang sa Muslim Mindanao ko inilapat ang kuwento ay dahil sa ang usapin ng clan war o rido kung tawagin ay may mas malalim na pinaghuhugutan para sa kanila.
Ito ay nakasandig sa kanilang dangal at karangalan. Sa pagtatanggol at paninindigan ng pakikipaglaban sa karangalan at dangal ng mga angkan, doon papasok ang mas mataas na tunggalian ng puso at isip, ng kinagawian o ng nararapat. Dito tatambad ang daan tungo sa karahasan o kapayapaan.
Dito papasok higit sa lahat ang pananampalataya. Kung nawala sa iyo ang lahat-lahat, Kung ang pinakamamahal mo sa buhay ay basta na lamang inagaw sa iyo at kinitil ang buhay, ano ang gagawin mo? Saan ka kukuha ng lakas? Ano ang pipilin mong gawin? Ano ang magiging mukha ng katarungan para sa iyo?
More than the social, ethnic and cultural dynamics on the road to peace in areas in Muslim Mindanao, I wanted to relay the message that Islam is not for violence. It is a religion that promotes peace, calm, reconciliation and ultimate sacrifice to the will of God over ones desires and personal predicament.
Jihad as a struggle is presented in one key scene in the movie to represent that ultimate surrender, overcoming anger, lost and revenge. It’s presented as a personal choice between good and evil. Ideal maybe, yes – but it is the truth.
Marami sa ating mga kapatid na Muslim ang patuloy na tinatahak ang daan ng kapayapaan kahit paulit-ulit silang napapagitna sa karahasan, kalupitan at pananamantala dahil sa kasakiman sa kayamanan at kapangyarihan.
Ang hamon ng daan ng kapayapaan sa Muslim Mindanao ay higit sa tunggaliang ng puwersa ng pamahalaan at ng mga mga rebeldeng grupo.
Higit pa roon, nandiyan ang mga mamamayan at mga pamayanan na nasa ibang uri ng digmaan bahagi ng mga bagay na sinisikap nilang mapagtagumpayan.
Mapangahas at matapang sabi ng mga nakapanood. Oo, hindi ko itinatanggi na ang pelikulang Maratabat ay ganoon nga. Ito ay dahil sa naniniwala ako na ang isang pelikula kung nakabatay sa kung ano ang katotohanan sa tunay na buhay ay dapat na may paninindigan.