WALANG kura-kurap na sinabi ng Kapuso teen princess na si Bianca Umali na kinikilig siya lagi kapag nakikita niya ang ka-loveteam na si Miguel Tanfelix.
Nakachika ng ilang members ng entertainment media si Bianca sa presscon ng bago nilang serye ni Miguel, ang Once Upon A Kiss na magsisimula na sa Jan. 5 pagkatapos ng 24 Oras – at dito nga niya inamin na malakas ang dating sa kanya ni Miguel.
Pero sey ng dalagita, hanggang kilig lang daw muna siya kay Miguel dahil mga bata pa sila, (14 siya, 16 naman ang Kapuso teen actor). Wala pa raw ligawang nagaganap sa pagitan nila ng binatilyo dahil pareho sila ng priority sa buhay ngayon, ang pagbutihin ang kanilang trabaho para mas bumongga pa ang kanilang career.
In fairness, ang lakas-lakas talaga ng dating ng tambalan nila sa manonood, kaya nga pagkatapos ng Niño ay magbibida na uli sila sa Once Upon A Kiss. Bukod pa ‘yan sa sitcom nilang Ismol Family kung saan naipakikita nila ang kanilang pagiging komedyante.
Dito sa bago nilang soap opera, mapapasabak silang muli sa pagdadrama, medyo mature na ng kaunti ang magiging role nila sa serye. Gagampanan nina Miguel at Bianca ang mga karakter nina Prince Pelaez at Ella Rodrigo na pagtatagpuin ng kapalaran para muling patunayan na pag-ibig pa rin ang pinakamahalaga at pinakamakapangyarihan bagay sa mundo.
Makakasama nina Miguel at Bianca sa latest offering na ito ng GMA sina Michael de Mesa, Nova Villa, Cris Villanueva, Tessie Tomas, Keempee de Leon, Manilyn Reynes, Al Tantay, Frank Magalona, Betong Sumaya at Gabby Eigenmann at ang nagbabalik-Kapuso na si Mylene Dizon.
At siyempre, kasama rin dito ang magagaling na Kapuso youngstars tulad nina Miggy Jimenez, Sabrina Man at Eunice Lagusad. Ito’y sa direksiyon ni Bb. Joyce Bernal.
Samantala, mariing itinanggi ni Miguel na may relasyon sila ng isa pang Kapuso star na si Barbie Forteza, magkaibigan lang daw sila. Nagsimula silang maging close noong magkasama sila sa afternoon series na Paroa.
Sa ngayon daw ay talagang career ang focus niya, ayaw daw niyang sayangin ang mga oportunidad na ibinibigay ng GMA sa kanila ni Bianca. Aniya pa, gusto niyang magtrabaho nang magtrabaho para makaipon.
Bukod sa plano nilang pamilya na makabili ng bahay dito sa Manila para hindi na sila bumibiyahe ng ilang oras mula sa Cavite ay balak ding bumili ng bagong kotse ni Miguel.
Natutuwa nga ang Kapuso teen star dahil sa Tagaytay City lang ang taping ng Once Upon A Kiss na malapit lang sa bahay nila sa Dasmariñas, Cavite.