MAGIGING mas makulay at makabuluhan ang Pasko ng mga taga-Maynila ngayong taon sa paglulunsad ng “Sulong Manila 2015,” ang pinakamalaki at kauna-unahang 3-D video mapping projection pyro/laser lights musical na gaganapin sa kahabaan ng pamosong Roxas Boulevard sa bisperas ng Bagong Taon, Dec. 31.
Literal na magliliyab ang gabi at ang buong kalangitan sa proyektong ito ng Mare Foundation na suportado ng city government ng Maynila, sa pangunguna ni dating Pangulo at ngayo’y Mayor Joseph “Erap” Estrada, dahil sa makukulay na display ng bonggang laser lights at iba’t ibang klase ng paputok sa saliw ng mga sikat na kantang pang-Pasko.
Bukod dito, magkakaroon din ng kasing-saya at kasing-kulay na pre-event activity sa Rajah Soliman Plaza, Malate, mula Dec. 24 hanggang 30.
Ang gabi-gabing skit ay tatampukan din ng 3-D video mapping projection na tatagal ng 10 minuto. Mapapanood dito ang nakaka-inspire na kwento ng isang pamilyang maghahatid ng pambihirang mensahe na pang-Pasko.
Ang Sulong Manila 2015 Countdown” ay hatid ng ICTSI at Manila North Harbor. Si dating Sen. Loi Ejercito ang chairman ng Mare Foundation, isang non-stock, non-profit, non-government organization na tumutulong at sumusuporta sa mga pangangailangan ng underprivileged na Pilipino sa buong bansa.
Ilang taon nang nagsasagawa ng iba’t ibang klase ng livelihood programs ang Mare Foundation at nagbibigay ng alternative source of income gaya ng hog-raising project sa Iriga, Camarines Sur, kung saan namigay sila ng 25 hogs sa indigent members.
Maliban sa napakaraming livelihood programs, nagde-deliver rin sila ng health assistance sa pamamagitan ng sunud-sunod na medical-dental-surgical missions sa depressed areas nationwide at microfinance projects sa Metro Manila.