LLAMADO PA RIN ANG PINOY SA LE TOUR

ASAHAN na mas magiging organisado ang idaraos na 2015 Le Tour de Filipinas mula Pebrero 1 hanggang 4.

Ito ay dahil may itinakdang seminar para sa mga race officials na isasagawa ng mga opisyal ng UCI, ang international body ng cycling.

“Ang karerang ito ang natatanging karera sa Pilipinas na kinikilala ng UCI at para mas maging maayos ang pagpapatakbo nito kaya’t may gagawing seminars bago simulan ang karera,” wika ni Donna Lina-Flavier na siyang pangulo ng UBE Media, ang race organizer ng Le Tour de Filipinas.

Si Lina-Flavier ay nakasama ni Paquito Rivas na bumisita sa PSA Forum kahapon at magkaisa sila ng pananaw na palaban pa rin ang mga Pinoy riders sa Individual General Classification race.

May 15 koponan ang maglalaban-laban sa apat na araw na karera pero dalawa lamang dito ang mga local teams na bubuuin ng 7-Eleven at national team.

Si Mark Galedo ng 7-Eleven ang siyang nagdedepensang kampeon sa individual category at magtatangka siya na gumawa ng kasaysayan sa pagiging kauna-unahang rider na nakapagdepensa ng titulo sa Le Tour.

“Ang lamang ng mga Filipino riders natin ay alam nila ang ruta at wala rin silang problema sa klima. Kayang-kaya pa rin nating magdomina kahit maraming foreigners na kasali,” wika ni Rivas na siyang race manager.

Aabot sa 530 kilomentro ang kabuuang distansiyang tatahakin ng mga kalahok at masusukat ang mga ito sa mga ahunan lalo na sa huling araw ng karera na mula Lingayen, Pangasinan at magtatapos sa Burnham Park, Baguio City gamit ang mapanghamong Kennon Road.

Read more...