HANGGANG apat na babae ang pwedeng pakasalan ni Robin Padilla dahil sa pagiging Muslim – at alam na alam daw ito ng misis niyang si Mariel Rodriguez bago pa sila nagsama bilang mag-asawa.
Sa presscon kahapon ng “Bonifacio: Ang Unang Pangulo”, isa sa mga official sa darating na MMFF 2014, natanong ang action star kung posible bang magkaroon pa siya ng isa pang asawa tulad ng kanyang leading lady sa pelikula na si Vina Morales, bukod nga kay Mariel.
Ayon kay Binoe, alam ng kanyang asawa ang mga kautusan sa relihiyong Muslim at alam na nito ang posibleng mangyari sakaling makakita pa siya ng ibang babaeng pwedeng mahalin at pakasalan.
“Lagi kong sinasabi, handa na si Mariel sa mga ganyang bagay, alam niya kung ano ang pinasok niya bago pa kami magpakasal. Ang tanong diyan, kung papayag ba si Vina, siya lang ang pwedeng sumagot niyan,” sagot ni Binoe.
Sey naman ni Vina, “Naku, hindi ko alam ang isasagot ko (sabay baling kay Robin). Ikaw, akala ko nagbago ka na? Ituluy-tuloy mo na yan. Ha-hahaha!”
Hindi tumigil ang press sa pangungulit kay Vina at muling tinanong kung payag ba siyang maging second wife ng kanyang ex-boyfriend, “Alam naman nating lahat na hindi mahirap mahalin si Robin, pero…mahirap kasi na maraming kahati sa pag-ibig.
“Ang pwede ko lang isagot diyan, hindi tayo dapat magsalita ng tapos, but just the same, ayoko sa isang relasyon na magulo. Ang masasabi ko lang sa ngayon, if they’re both happy, I am also happy for both of them.
‘Yun lang ang maisasagot ko, iinom na lang ako ng wine,” chika ni Vina sabay kuha sa isang glass ng red wine. Hirit naman ng ating BANDERA columnist na si Jobert Sucaldito na siyang nagtatanong that time kay Vina, feeling niya parang hindi naman daw magiging magulo ang sitwasyon kung maging dalawa silang misis ni Robin.
Sagot naman ng aktres, “Magiging magulo ‘yun! Du’n magsisimula ang gulo! Ha-hahaha!” Samantala, inamin naman ni Robin na talagang “itinago” niya si Mariel sa press at sa mga taong nagpunta sa Bonifacio Day sa Monumento noong Nov. 30 kung saan nag-show ang ilang artistang kasali sa “Bonifacio”.
Nakiusap daw si Binoe sa kanyang misis na ibigay na muna niya ang araw na ‘yun kina Bonifacio at Oriang (role ni Vina sa movie). “Hindi talaga lumabas si Mariel sa kwarto (dressing room), ibinigay niya ang entablado kay Oriang.
At totoong nag-request ako sa kanya na huwag nang mapakita muna. Pero wala namang gulong nangyari, kasi aral naman ako kay Rommel (Padilla) kung paano magdala ng babae,” paglilinaw pa ng aktor-TV host.
Sa tanong naman kung bakit si Vina ang kinuha niyang leading lady, subok na raw ang chemistry nila ng ex-GF at iyon daw talaga ang mahalaga sa isang tambalan sa pelikula, bukod dito, gandang-ganda pa rin siya kay Vina .
“Sabi nga ni direk Eddie (Garcia, ang magsisilbing narrator sa pelikula), “Pag hindi mo pinakiaalaman ‘yan, pakikialaman ng iba ‘yan. Pag pinakialaman ng iba ‘yan, sising alipin ka”. Kaya pinakiaalam ko na ho,” ani Binoe.
Sa tanong naman kay Vina kung kumusta ang balik-tambalan nila ni Robin, anito, hindi raw niya ine-expect na maging ganito ulit sila ka-close ngayon, “Kasi, matagal kaming hindi nagkita, nagkatrabaho, and siyempre, hindi naman ganu’n kaganda ang paghihiwalay namin before.
Honestly, there was this time na habang nagba-bonding kami while we were shooting, humingi naman siya ng tawad. So, napatawad ko naman siya.
And he’s really thankful na never naman talaga akong nagsalita ng masama kay Robin even though siyempre, that time, nasaktan ako,” pahayag ni Vina.
“Really, talagang maganda ang aming pagsasamahan ngayon, and I hope it will stay this way and we’re so excited for the movie, actually. ‘Yun ang pinaka-importante sa lahat and the friendship is still there,” dagdag pa ng aktres.
Samantala, siniguro naman ni Robin at ng direktor ng “Bonifacio” na si Enzo Williams na ibang-ibang paglalahad ng kuwento ni Andres Bonifacio ang mapapanood sa kanilang pelikula, hindi raw ito isang ordinaryong historical movie.
Tiyak din daw na makaka-relate ang mga kabataan dito dahil sa karakter na gagampanan nina Daniel Padilla at Jasmine Curtis. “Dito sa pelikulang ito itatama natin ang kasaysayan,” ani Binoe.
“Nakakalungkot na marami tayong hindi alam tungkol sa sarili nating bansa, sa sarili nating mga bayani,” dagdag pa nito kasabay ng pagsasabing maituturing na isang rebolusyonaryong pelikula ang entry nila sa MMFF 2014 dahil sa pagtalakay nito sa ilang kontrobersiyal na isyu sa lipunan.
Makakasama rin sa “Bonifacio” sina RJ Padilla, Isko Moreno, Rommel Padilla, Lou Veloso, Ping Medina, Joem Bascon, Isabel Oli, Jericho Rosales na gaganap bilang si Jose Rizal at marami pang iba.
Ito ay sa direksiyon ni Enzo Williams, produced by RCP Productions, at showing na sa Dec. 25.